ITINANGGI ng may-ari ng punerarya na pinagdalhan sa labi ng Korean businessman na si Jee Ick Joo, na may kinalaman siya sa krimen.
Si Brgy. Captain Gerardo Gregorio “Ding” Santiago, ang may-ari ng Gream Funeral Homes na pinagdalhan sa bangkay ni Jee, ay dumating kahapon ng umaga sa Filipinas mula Canada.
Ayon kay Santiago, nakatanggap siya ng mga banta sa buhay noong nagbabakasyon sa Canada at pinayohang huwag nang bumalik sa Filipinas.
Ngunit dahil wala raw siyang kasalanan ay minabuti niyang bumalik para linisin ang kanyang pangalan.
“Kaya po umuwi ako, wala akong kasala-nan. Kung ako po’y may kasalanan ‘di po ako babalik dito sa Filipinas, magtatago ako sa Ca-nada kaya hinaharap ko po itong kasong ‘to,” paliwanag ni Santiago.
Samantala, itinuturing ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre na most welcome development sa kaso ang pagbabalik sa bansa ni Santiago.
Aniya posibleng maging susi ang may-ari ng funeral parlor para maituro ang totoong gumawa sa malagim na krimen.
Dahil may banta sa kanyang buhay, inilagay na sa protective custody ng National Bureau of Investigation (NBI) si Santiago.
ACCOUNTS NG SUSPEK
IPINASISILIP SA AMLC
IPINASISILIP na sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang bank accounts ni SPO3 Ricky Sta. Isabel, pangunahing suspek sa pagdukot at pagpatay sa Koreanong negos-yante na si Jee Ick-joo.
Napag-alaman, P8 milyon ang unang ransom demand ng abductors sa pamilya ni Jee, ngunit P5 milyon lamang ang naibigay dahil wala raw ibang hawak na pera noon ang pamilya ng biktima.
Naibigay ang pera noong 31 Oktubre 2016 at ilang araw ay pumasok ang P4 milyon sa account ni Sta. Isabel.
Payo ni Senate committee on public order and dangerous drugs chairman at Sen. Panfilo Lacson sa PNP, gawin ang lahat ng masusing hakbang para lumitaw ang katotohanan.
Kung kailangan aniya na maging marumi ang isip ay pairalin iyon ng mga imbestigador para mabatid ang tunay na pangyayari.
Matatandaan, lumabas sa Senate investigation na mayroong halos P20 milyon assets ang pulis, kahit P8,000 lang ang take home pay niya kada buwan.