ITO ang tumuldok sa ‘modus’ ng tatlong pulis-Quezon City na pawang nakatalaga sa Quezon City Police District – Warrant Section sa Kampo Karingal makaraang maaresto nang mahuli sa aktong nangongotong nitong nakaraang linggo.
Maling akala, yes, maling-mali ang akala ng tatlong pulis na sina police officers (POs)3 Joseph Merin, Aprilito Santos at Ramil Dazo, na nakatutok lamang sa kampanya laban sa droga o pagpapatupad ng “Oplan Tokhang” si QCPD Director, P/Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar.
Ha ha ha! Maling-mali nga kayong tatlo dahil noong umupong district director si Eleazar ay mahigpit din ang kampanya niya laban sa mga tiwaling pulis.
Kinalimutan yata ng tatlo na hindi lamang laban sa ‘ninja cops’ ang isinama ni Eleazar sa kanyang direktiba kundi maging laban sa mga mangongotong na pulis.
Katunayan, hindi nagkulang si Eleazar sa pagbibigay ng babala sa mga tiwali. Madalas niyang ipinaaalala na magbago na ang mga tiwali dahil wala silang lugar sa QCPD sa pamumuno niya at maraming beses niya itong pinatunayan.
Ilang pulis-QC na rin ang kanyang binigyan ng leksiyon matapos mahuli sa pangongotong — at karamihan sa kanila ay itinapon ni Chief PNP, Director General Ronald “Bato” Dela Rosa sa Mindanao.
So, meaning itatapon din sa Mindanao sina Merin, Santos at Dazo? Malaki ang posibilidad dahil ang tulad nila, ani Eleazar ay hindi kailangan ng QCPD.
Paano ba nahuli ang tatlo at sino ang nagpaaresto? ‘E sino pa nga ba kundi ang hepe ng Sangandaan Police Station 3 na si P/Supt. Danilo Mendoza. Ang hepe na sumusunod sa direktiba ni Eleazar laban sa “bad cops.”
Teka si Mendoza ba ‘ika ninyo ang nagpahuli sa tatlo? Oo, bakit? Naku, may kalalagyan nga ang tatlo kay Mendoza. Marahil hindi batid ng tatlo kung sino si Mendoza sa pagpapatupad ng direktiba ni Eleazar.
Si Mendoza lang naman ang nagpaareto sa dalawa niyang police woman sa loob minso ng presinto sa kasong pangongotong — sa pamamagitan ng entrapment operation, arestado ang dalawang babaeng pulis sa pangongotong sa mag-asawang humingi ng tulong sa kanilang opisina sa Women’s Desk kamakailan.
Kaya sa maling pag-aakala, kalaboso sina Merin, Santos at Dazo.
E, ano naman iyong maling lugar?
Sa dinami-dami naman ng lugar sa Quezon City, hayun napadpad sa area of responsibility ng Sangandaan PS3 ang tatlong pulis. Kinalimutan yata ng tatlo na si Mendoza ang hepe ng PS3. Si Mendoza na tumatabla sa mga tiwaling pulis.
Kaya, hayun yari ang tatlong taga-warrant kay Mendoza.
Nitong 20 Enero 2017, nagpasiyang humingi ng tulong ang biktimang si Leetiong ng Cadaing Vill. Brgy. Talipapa, QC kay Mendoza. Ang Brgy. Talipapa ay nasa AOR ni Mendoza.
Humingi ng tulong si Lluminada dahil hinihingan siya ng P70,000 (mula P120,000 nagtawaran kaya naging P70,000) ng tatlong pulis bilang kapalit para hindi dakipin ang anak ng biktima na may standing warrant of arrest sa kasong qualified theft.
Agad na ikinasa ni Mendoza ang entrapment operation laban sa tatlo. Kaya, nang tanggapin ng tatlong pulis ang P15,000 (budol money), hayun dinamba na ng mga tauhan ni Mendoza ang tatlong pulis-QC.
Kahanga-hangang Mendoza, maging ang kanyang mga tauhan, kahit na kabaro nila o kapwa nila pulis-QC, inaresto pa rin ang tatlo.
Iyan si Supt. Mendoza, ang opisyal na sumusunod sa direktiba ni Eleazar.
Pero sa totoo lang, puwedeng kausapin lang ni Mendoza ang tatlong pulis na huwag lang kotongan si Leetiong dahil nga kapwa niya pulis-QC ang aarestohin, pero hindi niya ginawa ito dahil bukod sa trabaho lang ang kanyang pinairal ay batid ni Mendoza na seryoso ang kanyang superior sa paglilinis ng QCPD. Oo batid niyang sinsero si Eleazar sa kampanya laban sa mga tiwaling pulis-QC.
Supt. Mendoza, saludo ang bayan sa inyo sampu ng mga tauhan mo.
Gen. Eleazar, naniniwala akong dahil sa ipinakikita mong magandang pamamalakad sa QCPD at sinsero sa pagdurog sa mga tiwaling pulis; drug personalities at syndicated criminals na kumikilos sa lungsod, ito ay susuklian ng magagandang trabaho ng buong puwersa ng QCPD para mapanatili ang magandang imahe ng QCPD o ng PNP sa kabuoan.
AKSYON AGAD – Almar Danguilan