HINDI nagbigay ng detalye si PNP chief, Director Geneneral Ronald “Bato” Dela Rosa kung ano napag-usapan nila ni SPO3 Ricky Sta. Isabel, isa sa prime suspect sa pagpatay sa negosyanteng Koreano na si Jee Ick Joo.
Si Jee ay pinaslang sa loob ng Kampo Crame noong 18 ng Oktubre.
Kinompirma ni Dela Rosa, pinuntahan niya sa kulungan si Sta. Isabel at kinausap.
Ayon sa PNP chief, tanging sambit niya kay Sta. Isabel na huwag magsinungaling sa kanya dahil marami na siyang alam.
Nais lamang daw ni Dela Rosa na sabihin ni Sta. Isabel ang lahat ng kanyang nalalaman.
Giit ni Gen. Bato, kalmado siya nang makipag-usap kay Sta Isabel.
Inihayag din ni Dela Rosa, sa ngayon si Supt. Rafael Dumlao ang siyang mataas na opisyal ng PNP ang sangkot sa kaso.
Si Dumlao ang siyang team leader ni Sta. Isabel sa PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) na ngayon ay isinailalim na sa restrictive custody.
Nilinaw rin ng PNP chief, “hearsay” pa lamang sa ngayon ang unang report na isa sa limang narco-generals na pinangalanan ni Pangulong Duterte ang sangkot sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng Koreano.