NANINIWALA ang Malacañang, epekto ng bagyong Karen at Lawin ang resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey sa Self-Rated Poverty o nagsasabing sila’y mahihirap.
Magugunitang sa isinagawang survey sa huling bahagi ng 2016, nasa 44 porsiyento ng mga Filipino ang nagsabing mahirap sila, mas mataas ng dalawang porsiyento sa survey noong Setyembre.
Sinabi ni Communications Sec. Martin Andanar, mas malakas sa nakasanayan ang mga tumamang bagyo sa bahagi ng Luzon kaya posibleng ito ang nakaapekto sa persepsiyon ng respondents.
Ayon kay Andanar, ilang ektaryang lupaing pansakahan ang sinalanta ng bagyong Karen sa Ilocos, Cordillera Administrative Region, Central Luzon, CALABARZON at Bicol habang maraming kabahayan at pananim ang sinira ng bagyong Lawin sa Hilagang bahagi ng Luzon.
Kaya puspusan aniya ang ginagawa ng Department of Agriculture (DA) para matulungan ang mga apektadong magsasaka para makabawi sa kanilang kabuhayan.