BAGO po tayo umarangkada mga ‘igan ay hayaan n’yo po munang batiin ng BBB ang aking Balikbayang-kapatid na si ELIZABETH BALANI–SARRA, matapos ang masaya at punong-puno ng pagmamahal na pagbabakasyon dito sa Pinas ay muling babalik sa bansang Toronto, Canada. ‘Tol huwag na huwag mong kalilimutan na naririto lang lagi ang mga kapatid nating sina Bernie B. Catada, Jessie, Len B. Santos, Erick, Vangie B. Garcia, Angie B. Pamintuan at si Jean B. Adajar na tunay, tapat at walang sawang nagmamahal sa ‘yo. Maraming-maraming salamat sa lahat ng tulong na ibinabahagi mo sa ating pamilya. Huwag ka sanang magsasawa ‘Tol he he he…nawa’y gabayan ka ng Poong Maykapal sa iyong mapayapang paglalakbay. Hope to see you soon…God bless…BON VOYAGE…
KAPAPASOK pa lang ng Bagong Taon mga ‘igan, aba’y patutsadahan na sa isa’t isa ang ilang kritikong lingkod-bayan at maging ang mga Filipino netizen! Magandang simulain ‘yang bangayan ninyo…he he he…
Tulad na lamang ng isyung kinasasangkutan nitong si Vice President Leni Robredo, matapos mapatalsik bilang miyembro ng Gabinete ng administrasyong Duterte, hayun pinutakti na ng batikos ang pagbabakasyon ng ale, kasama ang kanyang pamilya sa Estados Unidos. Wow!
Mantakin n’yo nga naman mga ‘igan, nakuha pang magpakasarap sa pagbabakasyon sa Amerika ng Leni Robredo, samantala nasa gitna ng umaarangkadang bagyo ang kanyang mga kababayan sa Bicol, sus ginoo! Sa pambubusisi ng matatabil ang dila sa nasabing isyu…aba, aba, aba hindi ito usapin na kesyo naka-plano na umano ang family reunion ng mga Robredo sa Amerika noong isang taon pa at ang rasong hindi umano naalintana ang paparating na bagyong sumalanta sa kanyang mga kababayan. He he he…
Ganoon ba? Pero paano na ang taongbayan, partikular ang mga kababayan mong umaasa, at dapat namang umasa sa ‘yo bilang kababayan nilang may mataas na posisyon sa gobyerno? Nasaan ka ba habang nasa gitna ng kalamidad at kailangang-kailangan ka ng iyong kababayan?
Ang matindi pa rito’y pagdating ni Aling Leni’y niratsadahan ang administrasyong Duterte dahil sa napakabagal umano ng pagbibigay-tulong sa mga nasalanta ng bagyong Nina. Hey hey hey Ale…mag-ingat-ingat po sa binibitawang salita! Parang binigyan mo ng mag-asawang sampal ang DSWD sa iyong winika, na sila ang walang puknat sa pagbabahagi ng “relief goods” sa mga naging biktima ng nasabing bagyo. Idagdag pa mga ‘igan ang iba pang ayuda at tulong ng ilang mga opisyal ng gobyerno para sa pagsasaayos ng nasirang daan, elektrisidad ng ilaw at tubig na para rin sa kanila. Aba’y Ka Leni, ibig sabihin ng netizen, bilang public-servant, sa gitna ng pangangailangan ng sambayanang Filipino, pansariling kapakana’y dapat munang iwaglit, serbisyo sa publiko ang dapat na isaisip!
Bow.
PLAZA LAWTON PUGAD
NG PULIS-KURAKOT
Ang Plaza Lawton mga ‘igan, na nasa tapat ng Central Post Office, na malapit sa Bureau of Immigration, na over-looking sa mga dumaraang LRT, na pinupuntahan o dinarayo rin ng mga turista, ay pugad na ngayon ng mga pulis-kurakot, na ayon pa sa aking pipit-na-malupit ay mga pulis-Maynila ang mga salarin. Matagal-tagal na ring panahong ilegal na pinagkakakitaan ang Plaza Lawton, ngunit ano’t ‘di matinag-tinag? Dahil ba sa katotohanang pulis-Maynila umano ang pasimuno sa ilegal na pangungurakot dito? Magkanong halaga ba ang usapin dito?
Dati-rati’y UV Express at mga kolorum na van na pampasahero lang ang pumaparada sa kapaligiran ng Plaza Lawton, aba ngayo’y nadagdagan pa ng naglalakihang mga bus ang nasabing Plaza! Kung kaya’t limpak-limpak na salapi rin ang nakukurakot umano ng pulisya sa mga illegal terminal at illegal parking. Hanggang kailan kaya ang katiwaliang ito? Deadma lang ang pulis-Maynila kasabwat umano ang barangay chairman…he he he…Sige magpaka-ligaya kayo!
Paging Manila Mayor Erap Estrada…MMDA Chairman Tom Orbus at PNP Chief Director General Roland “Bato” Dela Rosa…mga Bossing nawa’y magkatulungan upang mahinto na ang kurakutan sa Plaza Lawton! At higit sa lahat ay maibalik ito sa isang malinis, maayos at payapang Plaza Lawton.
E-mail Add: [email protected]
Mobile Number: 09055159740
BATO-BATO BALANI
ni Johnny Balani