BAGUIO CITY – Lalo pang lumalamig ang panahon sa Lungsod ng Baguio makaraan maitala kahapon ng umaga ang 11.5 degrees Celsius (°C) bilang pinakamababang temperatura.
Kasabay nito, nagpaalala ang Department of Health (DoH) – Cordillera sa publiko lalo na ang mga magtutungo sa Baguio at lalawigan ng Benguet, na magsuot ng makakapal na damit.
Ayon sa DoH, dapat magsuot ng makakapal na damit sa umaga at pagsapit ng gabi, dahil dito karaniwang bumababa ang temperatura.
Ito ay upang maiwasan ang ano mang sakit tulad ng sipon, at hypothermia na karaniwang nararanasan kung malamig ang panahon.
Sa susunod na mga araw, inaasahang lalo pang bababa ang temperatura sa Baguio at Benguet, partikular sa Atok at Mt. Pulag sa bayan ng Kabayan.
Magugunitang ang pinakamababang temperatura sa kasaysayan ng Baguio City ay naitala noong 19 Enero 1961 na umabot sa 6.3°C. (RAM)