BAGUIO CITY – Naitala sa ilang bahagi ng Benguet ang kaso ng andap o frost, karaniwang nararanasan tuwing Disyembre.
Ayon kay Agot Balanoy, general manager ng Benguet Farmer’s Marketing Cooperative, posibleng maranasan ng mga magsasaka ang frost hanggang Enero partikular sa Paoay, Atok, Benguet.
Gayonman, sinabi niyang alam na ng mga magsasaka ang kanilang gagawin tuwing may andap tulad ng pagdidilig sa kanilang mga pananim bago sumikat ang araw.
Iginiit ni Balanoy, kinakailangan din maging handa ang lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng tulong sa mga magsasakang apektado ng andap.
Aniya, kapag nakompirma ng mga ahensiya ang nasirang mga pananim ng mga magsasaka dahil sa andap ay dapat silang magbigay nang agarang tulong.
Samantala, kahapon ng umaga, naitala ang 15.8 degrees Celsius, pinakamababang temperatura sa Lungsod ng Baguio.
Inaasahang mas mababa ng dalawang sintegrado ang temperatura sa matataas na bahagi ng Benguet tulad ng Atok, Mankayan at Kibungan.