NAGKAUSAP sa pamamagitan ng telepono sina Pangulong Rodrigo Duterte at CPP-NPA-NDF founding chairman Jose Maria Sison.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, mistulang usapan lamang ng magkaibigan ang naging takbo ng kanilang telephone conversation.
Ayon kay Abella, hindi nila tinalakay ang mga usaping pampulitika ngunit nagkasundo ang dalawa sa pagsusulong ng peace process.
Sa Enero ng susunod na taon, tutulak ang government peace panel sa Rome, Italy para sa third round ng formal peace talks sa National Democratic Front (NDF).
Kabilang sa tampok sa usapan ang social and economic reforms na inilatag ng mga rebelde sa negotiating table.
Posible ring paplantsahin sa Rome negotiations ang pagpapatibay sa isang bilateral ceasefire agreement.
“Yes it went through. It was mostly a coversation “between friends”. No references were made to political issues. Both agreed on moving Peace Process forward.
ARREST-FREE CEASEFIRE
IDINEKLARA NI DUTERTE
TINIYAK ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang rebeldeng aarestohin kapag bumaba mula sa kanayunan upang ipagdiwang ang Kapaskuhan habang umiiral ang tigil-putukan.
Ito ang inihayag ng Pangulo sa kanyang pagdalo kahapon sa ika-81 anibersaryo ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sumentro ang mensahe ni Pangulong Duterte sa pagsasadiwa ng tunay na kahulugan ng Pasko.
Aniya, magsisimula ang “arrest-free ceasefire” sa 23 hanggang 27 ng Disyembre para sa mapayang Pasko, at 31 ng Disyembre hanggang Enero 3, 2017 para sa pagsalubong sa Bagong Taon .
Inimbitahan din ng Pangulo ang lahat ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na samahan ang kanilang pamilya.
Inanyayahan din ng Pangulo maging ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) na makibahagi sa masayang okasyong ito ng Kristiyanismo.
Hinikayat ng Pangulo ang AFP officials na buksan ang gate ng kanilang mga kampo para pakainin ang mahihirap.
Kabilang sa mga ibabahagi sa kanila ang pagkaing udong at sardinas.
Samantala , bilang commander in chief , ipinaabot ng pangulo ang kanyang papuri sa mga sundalo dahil sa matapat na pagganap sa kanilang tungkulin.
Sabi ni Pangulong Duterte, bukod sa paglansag sa bandidong ASG, panatilihing ligtas ang mga komunidad.
Dapat aniyang palakasin ang kooperasyon sa Malaysia at Indonesia laban sa kidnapping at maritime security .
Kasabay nang pagpapatuloy ng pagpapatupad ng AFP modernization, inatasan ng pangulo ang AFP na bumalangkas bagong plano para sa peace and development.
(ROSE NOVENARIO)