SINIMOT ng administrasyong Aquino ang pondo kaya walang dinatnan na budget ang gobyernong Duterte para resolbahin ang krisis sa illegal drugs.
Ayon sa Pangulo kamakalawa ng gabi sa 2016 Search for Outstanding Government Workers, kalagitnaan ng taon siya pumasok sa Palasyo at kumbaga sa tagay sa inoman ay “bottoms up” o sinimot hanggang huling patak ng administrasyong Aquino ang kaban ng bayan.
Ipinahiwatig ng Pangulo, ang kawalan ng budget sa pagtatayo ng rehabilitation centers para sa drug addicts ang sanhi ng paglobo ng bilang ng patayan na may kinalaman sa kanyang illegal drugs campaign.
“Now, remember, they would say that, ‘President Duterte, why does he kill the drug lords? Why didn’t he just leave them in a rehab center?’ You know, I came to this position midterm. The battle cry nila noon, noong nakatira dito was ‘bottoms up.’’ Talagang bottoms up so when I came in, ‘yung lahat ng reklamo, on hold. Walang pera. So magnakaw? Kunin ko ‘yung sa agriculture? Ilagay ko sa DSWD? Tapos ‘yung sa DND kay Gina? Magyawyaw ‘yan hangggang umaga. So that would be robbing Peter to pay Paul. Hindi pupwede ‘yan,” aniya.
Kahit inuulan siya ng batikos sa isyu ay hindi niya pipilitin na paniwalain ang kanyang mga kritiko sa kanyang hangarin na puksain ang illegal drugs at naniniwala siyang wala rin itong saysay dahil sarado na ang isip nila.
“So, wala talaga akong magawa and I was at the butt of all the crucifixions. Kung ano-ano na lang ang sasabihin. Sabi ko, hindi kasi nila naintindihan. Pero mahirap na, I do not want to please my enemies with justification. I don’t care if they’ll listen to me or not. Even if I am telling the truth, ayaw namin marinig, that’s always the case because people judge best when they condemn. They do not really hear you out. So ‘yan ang problema ko but next year — but I was kind of thinking na roon sa drugs,” dagdag niya.
(ROSE NOVENARIO)