SA isang confidential meeting, isisiwalat ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre kay Pangulong Rodrigo ang nabuko niyang sindikato sa Cagayan Economic Zone Authority at Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) na nagpapakana na patalsikin siya sa puwesto gamit ang Jack Lam bribery scandal.
Ito ang inihayag ni Aguirre sa isang radio interview ngunit ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, hindi niya alam ang nasabing isyu.
Sinabi ni Aguirre, mag-uusap sila ni Pangulong Duterte upang maipaliwanag ang malalim na sabwatan ng sindikato na nais masibak siya sa puwesto at ipalit ang isang opisyal na hawak nila sa leeg.
“They really want me out because they are losing a lot of money because of our actions here,” aniya.
Ayon sa source sa intelligence community, may pagkakahawig ang modus na pagsasauli ng pera kapag nabuko ang ilegal na aktibidad gaya nang pagbabalik ng milyon-milyong dolyar ni Kim Wong na bahagi ng ninakaw na US$81 milyon mula sa Bangladesh Bank at ipinasok sa RCBC Jupiter Branch noong nakaraang Pebrero, 2016 at sa pagsasauli nina Bureau of Immigration (BI) deputy commissioners Al Argosino at Michael Robles sa P30 milyon na isinuhol ni Lam sa kanila.
Sina Wong at Lam ay pawang online gaming operator at ang lisensiya ay mula sa CEZA.
Halos isang taon na mula nang maganap ang $81 milyon money laundering , hindi pa rin nasasampahan ng asunto si Wong habang si Lam ay tumakas nang ipag-utos ni Duterte na arestohin siya.
Sa ginanap na pulong ng National Security Council Executive Committee kamakailan, tinalakay ang pagtutok ng intelligence community sa money laundering activities ng bigtime drug lord sa bansa.
Ang paglilinis ng pera o money laundering ay ano mang akto na nagkukubli ng mga salaping nakuha mula sa ilegal na paraan o krimen upang magmukhang nagmula sa legal o lehitimong pinagmulan.
Napaulat na ang Filipinas ay naging ideyal na lugar para sa money laundering bunsod ng mahigpit na bank secrecy laws sa bansa.
Ang casino ay hindi sakop ng Anti-Money Laundering Law kaya ipinadadaan dito ang perang kinita sa illegal activity upang mailusot bilang lehitimong salapi gaya nang ginawa sa US$81 milyon na ninakaw sa Bangladesh at inilipat ng mga hacker sa ilang bank accounts sa RCBC, Jupiter branch, Makati City saka inilipat sa mga casino at bank account ng isang Weikang Xu, isang high roller at junket operator sa mga casino sa bansa.
(ROSE NOVENARIO)