KASUNOD nang pagsibak sa puwesto sa dalawang Immigration associate commissioners dahil sa isyu ng bribery, plano ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na magpatupad ng balasahan sa Bureau of Immigration (BI).
Sinabi ng justice chief, pinag-aaralan niyang irekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng total overhaul sa kawanihan.
Hayagang sinabi ng kalihim ang plano niyang malawakang balasahan sa mga opisyal at tauhan ng Immigration kasunod ng pagkakatanggal sa puwesto nina Al Argosino at Michael Robles.
Ngunit ayon kay Aguirre, nasa kamay ng Pangulo ang kapangyarihan para mag-appoint ng mga bagong tao sa kawanihan kasunod ng pagkakabulgar ng suhulan sa ilang tiwaling empleyado ng (BI).
Unang sinabi ng kalihim, nasa loob mismo ng BI ang sindikato, bago pa pumutok ang sinasabing pagtanggap ng suhol ng sinibak na mga opisyal ng Immigration.