AMINADO si PNP chief Director General Ronald dela Rosa, kabiguan ng pulisya ang pag-usbong ng extrajudicial killings (EJK) sa bansa.
Kaya hindi niya masisisi kung may mga sibilyan na nangangamba na baka mangyari sa kanila ang extrajudicial killings.
Ito ay kasunod sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) na may 1,500 respondents o katumbas ng 78 porsyento ang natatakot na baka mabiktima sila o sino man sa kanilang mga kakilala ng extrajudicial killings.
Ayon kay Dela Rosa, hindi na siya magmamalinis, inaamin niyang nangyayari talaga ang mga patayang hindi kilala kung sino ang salarin.
Ngunit tiniyak ng PNP chief, ginagawa nila ang lahat para mapigilan ang mga insidente ng extrajudicial killings.
Paglilinaw ni Dela Rosa, hindi sila natutuwa na may mga napapatay na Filipino lalo na ang mga mahihirap sa kanilang inilunsad na giyera kontra droga.