TACURONG CITY – Tatlo ang patay at isa ang sugatan sa pamamaril dakong 6:55 pm kamakalawa sa probinsiya ng Sultan Kudarat.
Kinilala ang mga namatay na si Peter Dumrigue, tumakbong alkalde noong nakalipas na halalan ngunit natalo, at mga kamag-anak ni Dumrigue na sina Ernesto Ayson at Florante Guillermo, habang sugatan si Oyet Mateo, pawang mga residente sa Brgy. Katiku, President Quirino, Sultan Kudarat.
Ayon kay Sultan Kudarat police provincial director, S/Supt Raul Supiter, kumakanta ang mga biktima sa videoke machine kasabay ng kanilang Christmas party at family reunion nang bigla silang paputukan ng nag-iisang suspek gamit ang M16 armalite rifle.
Gumanti ng putok ang mga security escort ni Dumrigue na sina SPO1 Jonathan La Forteza at Cpl. Ruel Dordas ngunit hindi tinamaan ang suspek at mabilis na tinungo ang kasama sa naghihintay na motorsiklo saka mabilis na tumakas.
Ang mga biktima ay agad dinala sa Tamondong Hospital sa Tacurong City ngunit binawian ng buhay si Dumrigue, Ayson at Guillermo habang nasa maselang kondisyon si Mateo at patuloy na nilalapatan ng lunas.
Away sa politika ang nakikita ng mga awtoridad bilang motibo sa pamamaril.