SINISI ni Pangulong Rodrigo Duterte ang administrasyong Aquino kaya lumala ang problema sa ilegal na droga sa bansa at utak sa pagpapabagsak sa kanyang gobyerno.
Sa kanyang talumpati sa United Nations Convention Against Corruption kagabi sa Palasyo, sinabi ni Pangulong Duterte, ang yellow group o Liberal Party ang nasa likod ng mga panawagan at hakbang para guluhin ang kanyang pamunuan para tuluyang maalis sa puwesto at ginagamit ang kanyang war on drugs para siya ay mapatalsik.
Ginagawa aniya ng dilawan ang destabilisasyon laban sa kanya dahil hindi matanggap ang pagkatalo at para iluklok si Vice President Leni Robredo.
Kung tutuusin umano, kaninong panunungkulan ba lumaganap at namayagpag ang illegal drug activities sa bansa… dahil pagpasok niya at pag-upo sa Malacañang, ay sumalubong sa kanya ang malala nang situwasyon.
Ipinagmalaki ng Pangulo, mahihirapan ang mga dilawan na pabagsakin siya dahil ang mga komunista ay kanyang kakampi.
“Yung mga yellow diyan nagde-demonstrate kayo, you want me out because you cannot accept defeat sabi mo ‘yung left, they would never even allow me to step down two steps to the ground yang mga komunista NPA puro Duterte tingnan mo balang araw sila ‘yan, eto politika yan… they wanted me out siyempre ‘yung vice pres, kayo you had your chance. When did the drug industry blossomed?” ayon sa Pangulo.
Ipinagyabang ng Pangulo na noong nagka-usap sila ni US President-elect Donald Trump ay pinuri ang kanyang war on drugs at suportado umano ito ni Trump dahil tulad aniya ng Filipinas, problema ng US sa Mexican border nito ang ilegal na droga.
Dagdag ni Duterte, interesado aniya ang incoming US president na matuto sa mga pamamaraan ni Duterte kaya kung magawi aniya si Duterte sa New York ay mag-uusap sila.
Muling tiniyak ni Pangulong Duterte na hindi hahantong sa martial law ang malalang situwasyon sa ilegal na droga sa bansa… kahit ito ang nakikita niyang pinakamabisang paraan sana.
Sapat na umano ang nilagdaan niyang Proclamation 55 o ang state of national emergency.
(ROSE NOVENARIO)