SASAMPOLAN ng administrasyong Duterte si dating Pangulong Benigno Aquino III at kanyang mga alipores sa kampanya kontrakatiwalian.
Ito ang tugon ng Palasyo sa panawagan ng makakaliwang grupong Anakbayan na ipursige ng administrasyong Duterte ang pagsasampa ng kaso laban sa mga opisyal ng gobyernong Aquino kaugnay sa mga isyu na may kinalaman sa korupsiyon gaya ng Disbursement Acceleration Program (DAP), calamity at agricultural funds pati na ang Mamasapano incident.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, bagama’t hindi ito kagyat na matututukan ng administrasyong Aquino, may tamang oras para harapin ito at busisiin.
“Everything is… Everything has to follow a particular process. But at this stage also, we need to attend to urgent and important matters at hand. But definitely these things are being — are within the scope of the intention to fight corruption and to make sure that things that have been, things are made right,” ani Abella.
Kaugnay nito, inihayag ng Communications Undersecretary for Legal Affairs Atty. Enrique L. Tandan III, may natuklasan mga iregularidad sa mga ipinasok na kontrata ng National Printing Office (NPO) noong administrasyong Aquino sa ilalim ni dating Communications Secretary Herminio Coloma Jr.
Binigyan ng go signal nina Communications Secretary Martin Andanar, Executive Secretary Salvador Medialdea at Special Assistant to the President Cristopher Go ang pagsasampa ng mga kaukulang kaso laban sa mga sangkot sa katiwalian.