HINATULAN ng 16 taon at anim buwan pagkakabilanggo ang isang dating domestic helper (DH) na naaresto sa Hong Kong airport nitong Pebrero dahil sa pagdadala ng halos apat na kilong cocaine, makaraan mag-plead guilty nitong Nobyembre 30.
Ayon sa Sun Hong Kong, si Judge Esther Toh ay nagbigay ng one-third discount sa guilty plea ni Rizza Mae Argamoso.
Habang inihayag ni John Wotherspoon, chaplain ng Correctional Services Department, ang discount ay dahil sa pagtulong ng defendant sa kampanya laban sa Nigerian drug lords na nanloko ng mga inosenteng babae upang magdala ng ilegal na droga para sa kanila.
Si Argamaso ay isang nursing graduate at dating Sangguniang Kabataan (SK) chairman ng Brgy. Talisay, Nasipit, Agusan del Norte.
Magugunitang si Argamaso ay naaresto nitong 7 ng Pebrero, 2016 dahil sa pagdadala ng 3.7 kilos ng cocaine sa kanyang luggage, na itinago sa kanyang mga sapatos, folders at mga handbag.
HATAW News Team