PORMAL nang inihain ni Vice President Leni Robredo kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang resignation bilang pinuno ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC).
Sa kanyang sulat para sa Pangulo, sinabi ni Robredo, ang direktiba ni Duterte na huwag na siyang dumalo sa lahat ng Cabinet meetings ay nangangahulugan na imposible na niyang magawa ang trabaho bilang pinuno ng HUDCC.
Sinabi ng Pangalawang Pangulo, sinikap niyang isantabi ang “differences” nila ni Duterte at maging propesyonal para sa kapakanan ng mga Filipino.
Aniya, tinanggap niya ang posisyon noon dahil sa nagkakaisang adhikain nila ng Pangulong Duterte na makatulong sa mahihirap.
Natanggap ng Office of the Executive Secretary ang resignation letter ni Robredo dakong 9:00 am kahapon.
Nakapaloob sa sulat ni Robredo na epektibo agad ang kanyang pagbibitiw bilang pinuno ng HUDCC.
HIDWAANG’
RODY VS LENI
IRRECONCILABLE
— PALASYO
INIHAYAG ni Communications Sec. Martin Andanar, kahit galing sa kalabang partido, itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo sa kanyang official family at ginawang alter ego para isulong ang kapakanan ng taongbayan.
Ayon kay Andanar, bilang miyembro ng gabinete, inaasahang magiging team player si Robredo at ang lahat ng pagkakaiba sa polisiya at isyu ay tinatalakay sa Cabinet meetings.
Ngunit dahil aniya sa mga bagong pangyayari, ipinakikita nitong sadyang ‘irreconcilable’ o hindi na maayos at lantad na sa publiko ang hidwaan nina Duterte at Robredo.
EVASCO IPINALIT
KAY ROBREDO
ITINALAGA ni Pangulong Rodrigo Duterte si Cabinet Secretary Leoncio Evasco Jr. bilang bagong housing czar kapalit ni Vice President Leni Robredo.
“President Rodrigo Duterte just appointed CABSEC Jun Evasco to head HUDCC. This is on top of Sec Evasco’s current job responsibilities,” ani Communications Secretary Martin Andanar sa text message sa Palace reporters kahapon.
Nauna rito’y inihayag ni Andanar na tinanggap na ni Duterte ang pagkalas sa gabinete ni Duterte.
“It is with a heavy heart that I accept the resignation of Vice President Leni Robredo,” pahayag aniya ni Duterte.
(ROSE NOVENARIO)
RESIGNATION
NI LENI
TAMA LANG
TAMANG desisyon ang ginawa ni Vice President Leni Robredo na magbitiw sa gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Banggit ni Dinagat Island Rep. Kaka Bagao, suportado niya ang hakbang ni Robredo dahil patunay ito sa paninindigan ng bise presidente sa kanyang mga ipinaglalaban.
Samantala, hindi ikinagulat ni Siquijor Rep. Ramon Rocamora ang pagbibitiw ni Robredo sa gabinete ni Duterte.
Aniya, inaasahan niyang mangyayari ito dahil hindi talaga aakma si Robredo sa gabinete ni Digong dahil umpisa pa lang ay magkaiba na ang kanilang mga paniniwala.
(JETHRO SINOCRUZ)