TULUYAN nang nagbitiw si Kaye Dacer, matapos ang 19-taon serbisyo, sa isa sa pinakamalaking network sa ating bansa, ang ABS-CBN.
Nagpaalam ang Aksyon Lady ng DZMM Aks’yon Ngayon nitong Biyernes, 2 Disyembre, sa kaniyang programa na kasama niya si Julius Babao, bilang co-anchor.
Noong nakaraang buwan, nagpaalam si Kaye sa pamunuan ng DZMM na siya ay magre-resign na dahil sa mga bagay na maaaring maging conflict bilang anchor ng nasabing estasyon.
Sa kanyang pamamaalam, sinabi ni Kaye na tila may susuportahan siyang isang tao at isang bagay na ayaw niyang maging hadlang bilang mamamahayag sa radyo at telebisyon.
Nagpahiwatig din siya na mas pinili niya ang desisyon na umalis sa ABS-CBN kahit masakit sa kaniyang kalooban dahil isang oportunidad ang dumating na minsan lang daraan at ayaw niyang pagsisihan kung hindi niya ito susubukin.
Matagal nang pinag-uusapan na si Kaye ay may-ari ng isang broadcasting network na itinayo noong nakaraang taon na napapakinggan ang mga programang pinagbibidahan ng mga kilalang mamamahayag sa malalaking network.
Ayon sa isang masugid na tagapakinig ni Kaye, “Naging usap-usapan ang pagiging silent supporter niya kaya hinihinalang isa ito sa mga dahilan ng kaniyang pahayag na may kinalaman sa isang tao (Duterte) at isang bagay (network)?”
Aniya, “Nakalulungkot man na hindi na natin mapapakinggan si Kaye sa DZMM ay sigurado kaming tatanim sa puso at isip ng mga humahanga, sumusuporta at nagmamahal sa nag-iisang “aksyon lady” ng broadcasting sa ating bansa ang lahat ng kaniyang mga naging kontribusyon sa mundo ng pamamahayag.”
Ayon sa isa pang tagapakinig, hindi nila malilimutan ang matapang at walang takot na pakikipaglaban para sa karapatan ng mga inaapi at biktima ng inhustisya na si “Aksyon Lady” ang tumatayong tagapagtanggol at superhero. Hindi rin matatawaran ang kanyang sinseridad sa pagtulong sa mga nangangailangan.
Ito na marahil ang mami-miss ng kaniyang listeners at siguradong hindi na matatawag na “Aksyon Ngayon” ang programa sa DZMM kung wala ang “aksyon lady.”
“Kung sabagay, wala namang makapapalit sa kanyang titulo dahil nag-iisa lang siya,” saad ng kanyang masusugid na tagapakinig.