INAASAHAN ngayong araw ang face-off nina Ronnie Dayan at big time drug lord ng Eastern Visayas na si Kerwin Espinosa sa Senate probe na pangungunahan ng komite ni Senator Panfilo Lacson.
Una rito, inihayag ni Kerwin, si Dayan ang tagakolekta ng drug money ni Sen. Leila De Lima mula sa kanya.
Habang sinabi ni Dayan sa pagdinig ng Kongreso, hindi niya alam na si Kerwin ay isang drug lord kundi isang engineer.
Sa kabilang dako, ayon kay Senator Ping Lacson, wala nang saysay o dahilan para ungkatin sa pagdinig ang relasyon ni Ronnie Dayan kay Senator Leila De Lima.
Giit ng senador, ang isyu sa relasyon nina Dayan at De Lima ay naungkat na noong pagdinig ng Kongreso.
Aniya, wala silang itinakdang ground rules para sa pagdinig ngayong araw.
Sinabi ni Lacson, kanilang tututukan ang mga pahayag nina Kerwin at Dayan kaugnay sa pagtanggap ng drug money.
Pahayag ng senador, mayroong inconsistencies sa mga pahayag nina Dayan Kerwin lalo na sa taon.
Sa illegal drug trade
TESTIGO SA LINK NI KERWIN
KAY LEILA HAHARAP SA SENADO
KINOMPIRMA ni Senator Panfilo Lacson, haharap ngayong araw sa pagdinig ng Senado ang isang testigo, magpapagpatunay na nasa Baguio si Kerwin Espinosa noong 19 Nobyembre 2014 at nakipagkita kay dating justice secretary at ngayon ay Sen. Leila De Lima.
Ang nasabing testigo ang magpapatunay na talagang nag-check in sa isang hotel sa Baguio ang top drug lord ng Eastern Visayas at ang nasabing kuwarto ay nakapangalan sa pinsan ni Kerwin na si Ram.
Sinabi ni Lacson, dalawang bagay ang dapat nilang linawin ngayong araw kina Ronnie Dayan at Kerwin Espinosa, ito ay ang petsa.
Ito ay dahil sinasabi ni Kerwin na 2014 sila pumunta sa Baguio para makipagkita kay De Lima habang si Dayan ay 2015. Pahayag ni Lacson, ang pinsan ni Kerwin na si Ram ay nag-execute na ng affidavit para patotohanan na talagang noong petsa na ‘yun ay nandoon sila sa Baguio.
Dagdag ng senador, may personal knowledge si Ram na nagkaroon ng ugnayan si Sen. De Lima kay Kerwin.