SINIBAK ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo bilang miyembro ng kanyang gabinete.
Kinompirma kagabi ni Communications Secretary Martin Andanar na totoo ang inihayag ni Robredo sa kanyang kalatas na inabisohan ang bise presidente sa direktiba ni Pangulong Duterte na huwag na siyang dumalo sa mga pagpupulong ng gabinete simula ngayon, 5 Disyembre.
Kahapon ay sinabi ni Robredo na nakatanggap siya ng text message mula kay Cabinet Secretary Jun Evasco na pinasasabi ni Duterte sa kanya “to desist from attending all cabinet meetings starting this Monday, December 5” kaya nagpasya siya na magbitiw na sa gabinete.
“Read between the lines,” ani Andanar nang tanungin kung ang text message ay katumbas nang pagsibak ni Duterte kay Robredo bilang housing czar ng kanyang administrasyon.
Sinabi naman ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na ipinaalam na kay Pangulong Duterte ang pagbibitiw ni Robredo bilang kasapi ng kanyang opisyal na Pamilya.
Ayon sa ilang political observer, posibleng ang pagbibitiw ni Robredo sa gabinete ay bilang paghahanda sa napaulat na paglarga ng destabilisasyon laban kay Duterte.
Nauna nang isiniwalat ng Pangulo na may impormasyon siya na pinopondohan ng bilyonaryong si George Soros at biyudang Fil-Am na si Loida Nicolas-Lewis ang ikinakasang malawakang demonstrasyon laban sa kanyang gobyerno na ang tuntungan ay isyu ng umano’y extrajudicial killings bunsod ng kanyang drug war.
Anang political observer, nakakita ng butas si Robredo para magbitiw sa gabinete nang ihimlay sa Libingan ng mga Bayani si dating Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Itinatambol umano ng kampo ni Robredo at ng Liberal Party ang anti-Marcos burial issue para ilihis ang atensiyon ng publiko sa pagratsada ng anti-corruption campaign ni Duterte na tiyak na masasapol ang mga tiwaling opisyal ng Aquino administration lalo na’t umiiral na ang Freedom of Information (FOI) sa sangay ng ehekutibo.
Kabado rin aniya si Robredo na baka masilat sa puwesto kapag pinaboran ng Presidential Electoral Tribunal ang election protest ng katunggali niya sa vice presidential race na si dating Sen. Bongbong Marcos.
ni ROSE NOVENARIO