NAGBABALA si Pangulong Rodrigo Duterte, ipalalasap niya ang kanyang kabangisan sa mga druglord at terorista sa mga susunod na araw.
“When the time comes it’s going to be a war against terrorism and drugs and I will tell you now I will be harsh… as harsh I can ever be,” aniya sa kanyang talumpati kahapon sa Camp Evangelista Station Hospital sa Cagayan de Oro City makaraan bisitahin ang mga sundalong nasugatan sa pananambang sa Marawi City kamakalawa.
“Hindi ko naman sila tinatakot sabi ko lang na ayaw ko, ayaw ko makipag-giyera, but do not force my hand to do it,” dagdag niya.
Giit ng Pangulo, ginagawa niya ang lahat para hindi magkaroon ng giyera sa Mindanao dahil ayaw niyang maglaban ang Filipino sa kapwa Filipino.
“Dito sa Maute, I said I do not want to wage a war against Filipinos but I told them that they have to stop. Sana huwag na lang tayong umabot ng giyera. So I am doing everything to prevent a war,” aniya.
Inatasan ng Pangulo ang AFP na ipagpatuloy ang operasyon laban sa Maute Group sa Lanao del Sur dahil walang indikasyon na titigil sila sa mga pag-atake.
“They have to go on with the operations. What is there to stop? Wala naman nagpapakita ng sincerity diyan so the fight goes on,” aniya.
Kinuwestiyon ng Pangulo ang pagiging Moro ng mga opisyal at kasapi ng teroristang Maute Group dahil kumukuha aniya ng direktiba mula sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) na isang international terrorist group.
“How can you be a Maranao, you’re Tausug and Maguindanao and you take orders form outside to what? Di talaga matatapos ito this is a republic and the republic will survive but what is really certain is I do not want to wage a war against my countrymen,” dagdag niya.
“I cannot be forever traveling here every month para makipag-usap pagtalikod ko patayan na naman,” sabi ng Pangulo.
Hinimok niya ang mga taga-Mindanao na suportahan ang kanyang gobyerno dahil ibubuhos niya sa mga lugar ng Moro ang ayuda ng pamahalaan.
“Ang uunahin ko Mindanao, ibuhos ko rito sa Moro areas sigurado ‘yan pangako ko ‘yan,” aniya.
Tumuloy pa rin ang Pangulo sa pagpunta sa Marawi City kahapon at dumaan pa sa mismong lugar kung saan sumabog ang isang improvised explosive device (IED) habang dumaraan ang kanyang advance party na isang batalyon ng Presidential Security Group (PSG), mga kawani ng Radio TV Malacanang at Media Affairs and Relations Office (MARO).
Pitong sundalo mula sa sa PSG at dalawang kagawad ng 103rd IB ang nasugatan sa nasabing insidente.
(ROSE NOVENARIO)
11 SUGATANG PSG,
AFP ESCORTS BINISITA
NG PANGULO
CAGAYAN DE ORO CITY – Nagtungo sa Kampo Evangelista sa Brgy. Patag, siyudad ng Cagayan de Oro, si Pangulong Rodrigo Duterte 2:00 pm kahapon para bisitahin ang anim sugatang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) escorts at Presidential Security Group (PSG) sa station hospital ng nasabing kampo.
Hindi nagpaunlak ng press interview ang at nagtagal lamang ng limang minuto ang pagdalaw ng presidente sa kampo bago dumiretso sa Polymedic Medical Plaze ng Brgy. Kauswagan upang makita ang lima pang sugatang kasapi ng PSG.
Ayon kay 4th ID spokesperson Captain Joe Patrick Martinez, babayaran ng lokal na pamahalaan ng lungsod ang medical expenses ng mga sugatang gwardiya ng pangulo na naka-confine sa pribadong ospital.
Kabilang sa mga naka-confine sa Polymedic Medical Plaza ay sina Capt. Reynaldo Zamora Jr., Cpl. Joselite Gallentes, Sgt. Eric Ubaldo, PFC Fernando Corpuz, at Ssg Renie Damazo.
Habang nasa Camp Evangelista Station Hospital sina Cpl. Vicente Paniza, PFC James Gonzales, Sgt. Jesus Garcia, Cpl. Rodel Genova, Cpl. Edward de Leon, at SSg. Eufrociho Payumo Jr.
Sa ulat ng AFP
50 MIYEMBRO PATAY SA MAUTE
HALOS 50 miyembro na ng Maute Group ang napatay sa nagpapatuloy na sagupaan sa Butig, Lanao del Sur.
Sa harap ito nang pagbisita ng Pangulong Rodrigo Duterte sa nasabing probinsiya kahapon at pagdalaw sa mga sugatang sundalo.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs Office (PAO) chief, Col. Edgard Arevalo, malapitan na ang laban ngayon at maliit na bahagi na lang ng bayan ang sakop ng armadong grupo.
Aminado ang AFP na hindi nila maaaring madaliin ang operasyon dahil sa ilang mahalagang concern, tulad ng mga inilagay na pampasabog ng grupo. Mayroon din aniyang snipers na ikinalat sa lugar, upang tambangan ang ano mang pangkat ng militar na biglang papasok sa Butig.
Tiwala si Arevalo na nalalapit na ang pagtatapos ng sagupaan sa Butig, lalo’t buhos ang puwersa mula sa lupa hanggang sa himpapawid.