MINALIIT ng mga lider ng administrasyon at oposisyon sa Kamara ang anila’y paggamit ng mga kritiko ng gobyerno, kabilang ang tinaguriang ‘yellow forces’ ng nakaraang administrasyon, ang paghimlay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City, bilang dahilan upang mapatalsik sa puwesto si Pangulong Rodrigo “Rody” Duterte.
Sa magkahiwalay na panayam kina Deputy Speaker Raneo Abu ng Batangas at House Minority Leader Danilo Suarez ng Quezon, minaliit nila ang malawakang protesta bilang pasalubong kay Pangulong Duterte sa kanyang pagbalik noong nakaraang Biyernes, upang ipakita ang galit ng taongbayan kaugnay sa paghimlay kay Marcos sa LNMB.
Sinabi ni Abu, hindi magtatagumpay ang mga kritiko ng gobyerno na mapabagsak ang trust and approval ratings ni Pangulong Duterte.
“They will not succeed. Still the President enjoys support from great majority of Filipino people. When these noisy people filed petition to the Supreme Court asking the legality of the burial, the President told that he will follow whatever the decision of the SC as the interpreter of the Law,” punto ni Abu.
“The SC decided that there’s no reason to prohibit the burial. So what is the reason why they will oust PRRD (President Duterte) when he only followed what is the rule of the Law,” diin ni Abu.
Sinabi ni Suarez, ang mga protesta bilang resulta ng paglibing sa labi ni Marcos sa LNMB ay hindi hahantong sa mas malawak na kilos-protesta para mapabagsak ang gobyerno.
“The President continues to enjoy widespread and overwhelming support from the people and he is doing his very best to address the problems of the country, especially the illegal drug trade,” pahayag ni Suarez.
“Attempts to oust him (President Duterte) is just a pigment of imagination,” ayon kay Suarez, idinagdag na hindi susuportahan ng taongbayan ang ano mang pagtatangka ng alin mang grupo na mapatalsik sa puwesto ang pangulo na magreresulta sa kaguluhan sa bansa.
Sinabi ni Bonifacio Ilagan, convenor ng Campaign Against the Return of the Marcoses to Malacañang (Carmma), ang Marcos burial sa LNMB ay direktang paghamak sa mga biktima ng martial law at mga aktibistang lumaban sa diktadurya.
Nauna rito, sinabi ni Deputy Speaker and Capiz Rep. Fredenil Castro, isang abogado, walang nilabag ang executives ni Pangulong Duterte at pamilya Marcos na ano mang batas sa paglibing sa dating Pangulo sa LNMB. ( HNT )