Saturday , November 16 2024

Ronnie Dayan arestado sa La Union

112316_front

LA UNION – Arestado ng pinagsanib na puwersa ng PNP La Union at Pangasinan ang dating driver-bodyguard at  lover ni Sen. Leila de Lima na si Ronnie Dayan sa nabanggit na lalawigan.

Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) La Union, Police Provincial Office (PPO) La Union, Pangasinan (PPO) at Bacnotan Police Station, nahuli si Dayan dakong alas-11:30 am kahapon.

Anila, nakorner ang suspek sa Sitio Turod, Brgy. San Felipe, San Juan, La Union. Agad dinala si Dayan sa La Union PPO para sa disposisyon.

Napag-alaman sa ilang residente ng Brgy. Lacong, tatlong buwan nagtago si Dayan sa kanilang lugar kasama ang kanyang pamangkin na si Jomar.

Nagpatayo sila ng isang kubo sa bundok na nagsisilbi nilang tirahan.

Una rito, nangalap si Atty. Ferdinand Topacio at  ilang business partners ng P1 milyon para sa pabuya sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon sa ikadarakip ni Dayan.

HATAW News Team

Sa pagkahuli kay Dayan
DRUG TRADE SA BILIBID
MAISISIWALAT NA —PALASYO

UMAASA ang Palasyo, maisisiwalat na ang katotohanan sa likod nang paglaganap ng illegal drugs trade sa New Bilibid Prison (NBP) at maparurusahan ang utak makaraan madakip ng mga awtoridad ang dating driver-lover ni Sen. Leila de Lima kahapon.

“We welcome the arrest of Mr Ronnie Dayan. We hope that Mr Dayan’s arrest would lead to the uncovering of truth in the proliferation of drugs in Bilibid and for the guilty to be punished,” pahayag ni Communications Assistant Secretary Anna Marie Banaag.

Tungkulin aniya natin na bigyan ng drug-free society ang susunod na henerasyon ng mga Filipino.

“We owe this to the future generation of Fillipinos to have a drug-free society,” ani Banaag.

Iniutos ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pag-arresto kay Dayan dahil sa hindi pagsipot sa mga pagdinig hinggil sa illegal drugs trade sa NBP.

Itinuro si Dayan ng ilang convicted criminals at ilang opisyal at kagawad ng pulisya, Bureau of Corrections at National Bureau of Investigation (NBI) na nag-utos na magbenta ng shabu sa Bilibid para ipantustos ni De Lima sa senatorial bid noong nakaraang halalan.

Kamakailan, inamin ni De Lima, nagkaroon sila ng relasyon ni Dayan nang nagsilbing driver-bodyguard niya nang siya’y justice secretary pa.

( ROSE NOVENARIO )

‘MISSING LINK’ SA KASO
VS DE LIMA

HINIMOK ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II ang dating driver-bodyguard at sinasabing lover ni Sen. Leila de Lima na si Ronnie Dayan, magsalita na at isiwalat ang lahat ng kanyang nalalaman sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP) makaraan mahuli ng mga awtoridad sa La Union kahapon.

Sinabi ni Aguirre, ang paglutang ni Dayan ang magiging daan para mas mapalakas ang mga kasong isinampa sa Department of Justice (DoJ) laban kay Sen. De Lima kaugnay nang paglaganap ng ilegal na droga sa Bilibid.

Dagdag ng kalihim, pagkakataon ito ni Dayan para linisin ang kanyang pangalan makaraan masangkot ang kanyang pangalan na sinasabing bagman ng senadora.

Maikokonsidera rin aniya si Dayan na isa sa missing links sa mga reklamong kinakaharap ng Senador at ng mga taong idinadawit sa illegal drug trade sa NBP.

Una nang lumutang ang mga balitang nagkaroon ng relasyon si De Lima at Dayan naging karelasyon din ng senadora at isa sa mga itinuturong bagman ng senador sa pambansang piitan.

“His capture will tie up the loose ends and supply the missing links in the cases before the DoJ. It is also a chance for Mr. Dayan to clear his name so we encourage him to tell the whole truth of what he knows,” ani Aguirre.

DAYAN GAGAWING
TESTIGO VS LEILA

IKINOKONSIDERA ng Department of Justice (DoJ) na gawin ding testigo ng pamahalaan ang dating driver-bodyguard at sinasabing lover ni Sen. Leila De Lima na si Ronnie Dayan.

Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, gaya ng konsiderasyon nila sa kaso ni Kerwin Espinosa na nauna nang nagpasabi na nais makapasok sa Witness Protection Program (WPP) ng gobyerno, bukas din ang kagawaran na pag-aralan ang magiging judicial affidavit ni Dayan kung kuwalipikado siyang maging state witness.

Ngunit sinabi ng justice chief, kailangang hindi “most guilty” sa kaso si Dayan at may mabigat na testimonya patungkol sa kanyang nalalaman sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).

Una nang sinabi ng mga testigo ng DoJ, na isa si Dayan sa mga bagman ni De Lima mula sa mga drug lord ng Bilibid.

Hirit ng House Speaker
DAYAN DALHIN
SA KAMARA

IMINUNGKAHI nina House Speaker Pantaleon Alvarez at Majority Leader Rodolfo Fariñas, kailangan iprisenta ng Philippine National Police sa Kamara ang dating driver at lover ni Sen. Leila de Lima na si Ronnie Dayan.

Sinabi ni Fariñas, kailangan maiprisenta ng PNP si Dayan kay Alvarez dahil ang House Speaker ang lumagda at nagpalabas ng warrant of arrest laban sa dating bodyguard ni De Lima.

Magugunitang agad inilabas ang warrant of arrest kay Dayan makaraan patawan ng contempt ng House justice comittee.

Ito ay nang hindi pansinin ni Dayan ang subpoena na inilabas ng komite laban sa kanya para sa imbestigasyon hinggil sa paglaganap ng ilegal na droga.

Iginiit din ni Fariñas, mahalagang maiharap si Dayan sa imbestigasyon ng justice commitee.

KULUNGAN SA KAMARA
INIHAHANDA NA

INIHAHANDA na sa Kamara ang pagkukulungan sa dating driver ni Sen. Leila de Lima na si Ronnie Dayan.

Ito ay makaraan maaresto si Dayan kahapon sa Sitio Turod, Brgy. San Felipe sa bayan ng San Juan, La Union.

Inatasan ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas si Sergeant at Arms Roland Detabali na magtakda ng lugar na pagkukulungan kay Dayan.

Binigyan-diin ni Fariñas, patuloy dapat ang kanilang pakikipag-ugnayan sa pambansang pulisya.

P1-M REWARD IBIBIGAY
NA SA INFORMANT

NAKAHANDA nang ibigay ang P1 milyon pabuya para sa impormante na naging daan sa pagkakadakip sa dating driver-bodyguard ni Sen. Leila de Lima na si Ronnie Dayan.

Ito ang tiniyak ni Atty. Ferdinand Topacio kahapon.

Aniya, iwi-withdraw na niya mula sa banko ang nasabing halaga para ibigay sa naturang informant.

Sa tulong aniya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ay iaabot ni Topacio ang ipinangakong halaga sa impormante.

Samantala, natutuwa aniya sila dahil sa wakas ay mabubuo na nila ang “puzzle” o palaisipan na hirap nilang mabuo dahil sa nawawalang piraso nito.

Dahil sa pagkakahuli kay Dayan, tuloy-tuloy na aniya ang pagkompleto nila sa katotohanan at pagpapanagot sa mga sangkot sa ilegal na gawain sa New Bilibid Prison (NBP).

About hataw tabloid

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *