NAKAHANDA nang ibigay ang P1 milyon pabuya para sa impormante na naging daan sa pagkakadakip sa dating driver-bodyguard ni Sen. Leila de Lima na si Ronnie Dayan.
Ito ang tiniyak ni Atty. Ferdinand Topacio kahapon.
Aniya, iwi-withdraw na niya mula sa banko ang nasabing halaga para ibigay sa naturang informant.
Sa tulong aniya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ay iaabot ni Topacio ang ipinangakong halaga sa impormante.
Samantala, natutuwa aniya sila dahil sa wakas ay mabubuo na nila ang “puzzle” o palaisipan na hirap nilang mabuo dahil sa nawawalang piraso nito.
Dahil sa pagkakahuli kay Dayan, tuloy-tuloy na aniya ang pagkompleto nila sa katotohanan at pagpapanagot sa mga sangkot sa ilegal na gawain sa New Bilibid Prison (NBP).