DADALO sa Senate inquiry ngayong araw si Sen. Leila de Lima kahit alam niyang isa siya sa mga ididiin nang binansagang Eastern Visayas drug lord na si Kerwin Espinosa.
Ayon kay De Lima, bagama’t marami nang naglabasang pahayag ukol sa magiging testimonya ni Kerwin, mahalaga pa ring marinig niya mismo ang mga detalyeng hawak ng hinihinalang drug lord.
Naniniwala ang senadora, sa pamamagitan ng sariling pahayag ni Espinosa ay maaring mapiga at mapanagot kung mapatutunayang nagsisinungaling lamang para idamay siya sa kaso.
Matatandaan, si De Lima ang isa sa mga pinangalanan ni Kerwin sa kanyang affidavit, base na rin sa kompirmasyon ng nakausap niyang si Sen. Manny Pacquiao.
3 PULIS SA ESPINOSA
MURDER NASA PAYOLA LIST
— LACSON
IBINUNYAG ni Senate committee on public order and dangerous drugs chairman, Sen. Panfilo Lacson, ang tatlong police officials na may pangunahing papel sa pagsisilbi ng search warrant at nakapatay kay Mayor Rolando Espinosa, ay kabilang din sa payola list ni Kerwin Espinosa.
Ayon kay Lacson, mahalagang matutukan ang anggulong ito upang malinawan kung may motibo talaga ang mga pulis para patahimikin ang nakakulong na alkalde.
Kabilang sa tinukoy ng nakakabatang Espinosa na kasama sa kanilang payola list ay sina Supt. Marvin Marcos ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 8; Supt. Santi Noel Matira, ang supervising officer ng CIDG operations; at Chief Inspector Leo Laraga, ang team leader ng operasyon.
Nais din ni Lacson na makuha ang panig ang nasabing mga pulis sa susunod na mga pagdinig sa Senado.