UMAASA ang Palasyo, maisisiwalat na ang katotohanan sa likod nang paglaganap ng illegal drugs trade sa New Bilibid Prison (NBP) at maparurusahan ang utak makaraan madakip ng mga awtoridad ang dating driver-lover ni Sen. Leila de Lima kahapon.
“We welcome the arrest of Mr Ronnie Dayan. We hope that Mr Dayan’s arrest would lead to the uncovering of truth in the proliferation of drugs in Bilibid and for the guilty to be punished,” pahayag ni Communications Assistant Secretary Anna Marie Banaag.
Tungkulin aniya natin na bigyan ng drug-free society ang susunod na henerasyon ng mga Filipino.
“We owe this to the future generation of Fillipinos to have a drug-free society,” ani Banaag.
Iniutos ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pag-arresto kay Dayan dahil sa hindi pagsipot sa mga pagdinig hinggil sa illegal drugs trade sa NBP.
Itinuro si Dayan ng ilang convicted criminals at ilang opisyal at kagawad ng pulisya, Bureau of Corrections at National Bureau of Investigation (NBI) na nag-utos na magbenta ng shabu sa Bilibid para ipantustos ni De Lima sa senatorial bid noong nakaraang halalan.
Kamakailan, inamin ni De Lima, nagkaroon sila ng relasyon ni Dayan nang nagsilbing driver-bodyguard niya nang siya’y justice secretary pa.
( ROSE NOVENARIO )