IKINOKONSIDERA ng Department of Justice (DoJ) na gawin ding testigo ng pamahalaan ang dating driver-bodyguard at sinasabing lover ni Sen. Leila De Lima na si Ronnie Dayan.
Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, gaya ng konsiderasyon nila sa kaso ni Kerwin Espinosa na nauna nang nagpasabi na nais makapasok sa Witness Protection Program (WPP) ng gobyerno, bukas din ang kagawaran na pag-aralan ang magiging judicial affidavit ni Dayan kung kuwalipikado siyang maging state witness.
Ngunit sinabi ng justice chief, kailangang hindi “most guilty” sa kaso si Dayan at may mabigat na testimonya patungkol sa kanyang nalalaman sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Una nang sinabi ng mga testigo ng DoJ, na isa si Dayan sa mga bagman ni De Lima mula sa mga drug lord ng Bilibid.