NANUMPA na ang bagong hirang na tagapangasiwa ng National Electrification Administration (NEA).
Si dating party-list representative Edgardo Masongsong ay nanumpa kay Secretary Alfonso Cusi ng Department of Energy (DOE).
Matapos manumpa, nangako si Masongsong na isasakatuparan niya ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na ihatid ang kaunlaran sa pinakamalalayong rehiyon sa bansa.
Ayon kay Masongsong unang programang kanyang isusulong ay ‘yung tiyak na magpapailaw sa mga kanayunan kasunog nito ay ibababa ang presyo ng elektrisidad sa Filipinas.
“Ang pagpapailaw sa ating mga kanayunan ay dapat maging prayoridad dahil malaki ang kaugnayan ng elektrisidad sa pagpapalago ng kita,” ayon sa bagong NEA Administrator na itinalaga nitong Biyernes.
Ayon sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS), “Ang paghahatid ng elektrisidad sa kanayunan ay nakapagdudulot ng 36% na pagtaas sa per capita income, kaya makikita ang papel na ginagampanan ng pagpapailaw sa pagpapabuti ng antas ng buhay ng ating mga kababayan.”
Ayon kay Masongsong, “ang pagtalima sa mandatong ito ang aming ambag sa kampanya ni Pangulong Duterte na ipaabot ang kapayapaan at pag-unlad sa mga kanayunan, lalo sa Mindanao.”
Minsan nang binigyang-diin ni Pangulong Duterte ang pangangailangan sa pagpapaunlad ng mga rehiyon, lalo sa Mindanao.
Sa pagpapasinaya sa programang elektripikasyon ng DOE-NEA sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) noong 29 Oktubre, muling ipinangako ng pangulo na pauunlarin niya ang Moro land. Sangayon si Energy Secretary Alfonso Cusi sa ipinahayag ng Pangulo at ni Masongsong hinggil sa elektripikasyon na dapat iprayoridad ang kanayunan.
“Kailangan natin gawan ng paraan ang pagpapailaw sa mga kabahayan sa bawat sitio upang makasabay ang ating mga kababayan doon at mabigyan ng pantay na oportunidad.”
Inihayag ni Masongsong, isa sa pangunahing layunin ng NEA sa unang 100 araw ng kanyang panunungkulan ang pagpapaigting ng Sitio Electrification Program (SEP) at Barangay Line Enhancement Program (BLEP) sa pakikipagtulungan ng mga electric cooperative, Office of the President, Department of Energy at Department of Budget and Management. Isusulong din ng kanyang ahensiya, ayon kay Masongsong, ang mga paraan upang mabawasan ang presyo ng koryente sa bansa sa pamamagitan ng pag-aresto sa mga sanhi ng pagtaas sa presyo ng enerhiya gaya ng generation at transmission; distribution at supply costing; governmental charges, tulad ng VAT, at subsidiya sa life-line consumers.
“Bilang dating mambabatas, naniniwala tayo na malaki ang maitutulong ng ating karanasan sa Kongreso upang maka-paglingkod kasama ang dating kasamahan sa Kamara tungo sa pagpapasa ng mga panukala na magpapababa sa presyo ng elektrisidad upang mahikayat ang pamumuhunan sa ating bansa.”
Ang dating mambabatas na kumatawan sa 1-Care party-list sa nagdaang kongreso, ay may mahigit 20-taon karanasan sa pamumuno sa sektor ng enerhiya, mga kooperatiba at pagpapaunlad ng kanayunan. Dati rin siyang nagsilbi bilang general manager at chief executive officer ng Bukidnon II Electric Cooperative Inc., at bilang Cebu City Assistant City Administrator for Economic Enterprises Management.