CAUAYAN CITY, Isabela – Patay ang mag-ama nang masunog kamakalawa ng gabi ang kanilang bahay sa Brgy. Tagaran, Cauayan City.
Ayon kay Fire Chief Inspector Joan Vallejo ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Cauayan City, dakong 8:50 pm nang sila ay magresponde kaugnay sa nasusunog na bahay sa nasabing lugar.
Makaraan maapula ang apoy sa bahay na gawa sa kongkreto at light materials, natagpuan ang bangkay ng mag-amang sina Richard Gonzales, 43, at Joan, 3-anyos.
Wala ang iba pang miyembro ng pamilya nang masunog ang bahay.
Iniimbestigahan ng BFP kung pagsabog ng tangke ng LPG ang dahilan ng pagkasunog ng bahay.