WALANG riot na naganap sa Building 14 ng New Bilibid Prison (NBP) noong Setyembre 28 sa insidenteng ikinamatay ng high profile inmate na si Tony Co.
Sa pagdinig ng House sub-committee on correctional reforms, sinabi ni Supt. Francisco Ebreo, CIDG investigator, hindi riot kundi dalawang magkasunod na stabbing incident ang nangyari sa kubol ni Co at sa Mess Hall area ng Building 14.
Natukoy na kagagawan ng inmate na si Clarence Dongail ang pagkamatay ni Co at pagkakasugat nina Peter Co at Vicente Sy.
Habang si Tomas Doniña alyas Tom ang sumaksak kay Jaybee Sebastian matapos kausapin para pigilang tumestigo sa noo’y imbestigasyon ng House justice committee hinggil sa paglaganap ng ilegal na droga sa loob ng NBP.
Nakasaad sa sinumpaang salaysay ni Doniña, noong Setyembre 28 dakong 7:45 am, may kumausap sa kanya na dating kasamahan sa Philippine Navy ang nag-utos na dapat magawan ng paraan na mapatahimik at mapatay si Sebastian.
Layon aniya nito na hindi makapagtestigo sa Kamara “laban kay Ma’am Leila de Lima ukol sa paglaganap ng droga sa New Bilibid Prison.”
Hindi natukoy sa pagdinig kung sinong personalidad ang nag-utos kay Tomas na patayin si Sebastian.
Sa naunang lumabas na sinumpaang salaysay ni Sebastian, kanyang sinabi na si Tom ay “tao ni Clarence.”
Si Dongail, ay dating police chief inspector, at na-convict sa kasong kidnapping at murder sa isang dating barangay chairman Bacolod City.