PATULOY ang paggamit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng sindikato ng droga mula sa labas ng bansa sa kabila ng mahigpit na babala sa mga pasaherong dayuhan at lokal na huwag magdala ng droga sa bansa.
Nitong Lunes ng gabi, isang Malaysian national ang nasadlak sa bilangguan nang tangkaing ipasok sa bansa ang 4.6 kilo na high grade cocaine.
Inaresto ng Bureau of Customs si Nasruddin Bin Mohd Kasnan, 25 anyos, nang makuha ang “high value drugs” sa kanyang carry-on bag mula sa Addis Ababa, Ethiopia lulan ng Ethiopian Airlines.
Sinabi ni Customs District III Collector Ed Macabeo, ang mga droga na ginawang pellet forms ay nakasilid sa loob ng siyam na Love Lindor chocolate carton cans.
Hindi nakalusot sa mga awtoridad ang mga cocaine na may street value na P25 milyon na agad nai-turn over sa Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA).
Nasa kustodiya ng PDEA ang suspek para sa kaukulang disposisyon.
Sa buwan ng Oktubre, limang dayuhan at isang Filipino na dumating mula sa Brazil ang nahulihan ng cocaine sa NAIA.
Ayon kay Macabeo, umabot sa 46.9 kilo ng cocaine ang nakuha nila sa mga pasahero sa kanilang operasyon.
At nitong nakaraang Sabado, dalawang indibidwal ang inaresto ng Customs operatives makaraang i-claim ang isang back-pack na may lamang 1.2 kilo ng methamphetamine hydrochloride o shabu sa FedEx warehouse malapit sa NAIA terminal 1.
( GMG )