PARA matigil ang laganap na kontraktuwalisasyon sa gobyerno, inisponsoran ni Senador Antonio ‘Sonny’ F. Trillanes IV ang Senate Bill No. 1184, o ang panukalang naglalayong magbigay ng security of tenure sa lahat ng kuwalipikadong casual o contractual na kawani ng gobyerno. Ayon kay Trillanes, chairman ng Senate committee on Civil Service, Government Reorganization, and Professional Regulation: “Gumawa ang pamahalaan ng mga casual at contractual na posisyon sa gobyerno at patuloy na inire-reappoint ang parehong mga tao sa nasabing mga posisyon. Patunay ito na ang nasabing mga posisyon ay kailangan para sa maayos na pagpapatakbo ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.”
“Ang pagpapasa sa panukalang ito ay susi para matupad ang pangako ni Pangulong Duterte na wakasan ang kontraktwalisasyon sa gobyerno. Hindi natin maaasahang sumunod ang pribadong sektor sa nasabing inisyatibo kung ang sariling mga ahensiya ng gobyerno ay mayroong libo-libong casual at contractual na kawani.”
Sa ilalim ng SBN 1184, mabibigyan ng security of tenure ang lahat ng kasalukuyang casual o contractual na kawani na nagsilbi nang tuloy-tuloy na limang taon (empleyado ng nasyonal na ahensiya ng gobyerno) at sampung taon (empleyado ng lokal na ahensiya ng gobyerno).
Ipinanunukala ang konseptong magbibigay sa mga nasabing posisyon ng mga kuwalpikadong kawani ng tinatawag na “co-terminus with the incumbent” or CTI status, na ang mga kawani ay mabibigyan ng “security of tenure” at ‘di maaaring tanggalin sa kanilang mga kasalukuyang posisyon maliban kung ito ay naa-ayon sa mga kasalukuyang batas at dumaan sa tamang proseso, o ‘di maaaring buwagin ang kanilang mga posisyon kung nabakante na nila.
“Sa halip na magpatupad ng rationalization plan na magtatanggal ng libo-libong kawani ng gobyerno, dapat ipasa ang panukalang ito para masiguro ang kanilang security of tenure. Sa huli, ang mga kawani ay higit pa sa mga numero lamang. Sila ay mga taong may pamilyang binubuhay at maayos na nagsisilbi sa ating bansa at sa ating mga kababayan sa loob ng maraming taon,” pahayag ni Trillanes.