TINIYAK mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ligtas na pagbabalik sa bansa ni Kerwin Espinosa, sinasabing drug lord at anak ng napatay na si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Sinabi ni Pangulong Duterte kahapon ng madaling araw, makaaasa ang lahat na makababalik nang buhay ang batang Espinosa mula sa Abu Dhabi makaraan maaresto nitong nakaraang buwan.
Ayon kay Pangulong Duterte, hindi madaling mapauwi si Kerwin dahil may mga panuntunang dapat masunod bago makuha ang kustodiya sa Abu Dhabi police.
Magugunitang inaasahang pagtitibayin ni Kerwin ang affidavit, ‘blue book’ at ‘pink book’ nang napatay na ama, na nakalagay ang sinasabing mga protector at kasabwat sa illegal drugs operation.
CIDG REG. 8 NADIIN PA – SEN. PING
NANGANGANIB sa panibagong mga kaso ang CIDG team na sumalakay at naka-patay kay Albuera Mayor Rolando Espinosa sa loob ng selda.
Ito ang sinabi ng dating PNP chief at Senate committee on Public Order and Dangerous Drugs chairman, Sen. Panfilo “Ping” Lacson, makaraan ang unang araw ng kanilang pagdinig.
Ayon kay Lacson, mula sa pag-a-apply ng warrant of arrest sa Samar, kahit sa Leyte ang operasyon ay kaduda-duda na ang kilos ng mga pulis.
Abiya, puro sabit ang oras na binanggit ng pulis, dahil lumalabas na mas nauna pang tawagan ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) bago ang enkuwentro kay Mayor Espinosa.
Lalo aniyang nabaon sa problema ang CIDG nang mawala ang CCTV recording na magpapakita sana ng mga aksiyon sa loob ng Leyte sub-provincial jail.
Duda si Lacson na lalabas pa ang kopya ng video dahil planado ang pagkuha rito.
Dinoktor umano ang logbook ng jail facility at inilagay na under repair ang hard drive kahit hindi maaaring i-repair.
KERWIN VIA VIDEO CONFERENCE
ISUSULONG NI SEN. POE
ISUSULONG ni Sen. Grace Poe na makapagtestigo si Kerwin Espinosa sa Senate inquiry kahit sa pamamagitan muna ng video conference.
Nangangamba ang senadora na mangyari sa nakababatang Espinosa ang sinapit ng ama niyang si Albuera Mayor Rolando Espinosa na napatay sa loob ng selda.
Posibleng masayang ang mga kaso laban sa mga idinadawit sa payola list ng grupo kung walang matitira sa mga Espinosa.
Gayonman, hindi pabor si Poe na mabigyan ng immunity ang binansagang drug lord dahil maselan ang mga reklamong kinakaharap niya sa Filipinas.
Mas mainam aniyang manatili sa ibang bansa si Kerwin habang iniimbestigahan kung may mga pagkakamali ang CIDG sa naging operasyon sa Leyte sub-provincial jail, na ikinamatay ng nakatatandang Espinosa.
OMBUDSMAN PASOK
SA ESPINOSA SLAY
MAGSASAGAWA ng sariling imbestigasyon ang Office of the Ombudsman hinggil sa pagpatay kay Albuera, Leyte Ma-yor Rolando Espinosa.
Ayon sa anti-graft body, ang Deputy Ombudsman for Military and Other Law Enforcement Offices ang mangangasiwa sa imbestigasyon.
Inaasahang kakain ng oras ang gagawing probe lalo’t ma-ngangalap pa lamang ng ebi-densiya mula sa mga taong makapagbibigay impormasyon sa pagkamatay ng alkalde.
Unang nag-imbestiga ang Senado dito habang ilang mambabatas sa Kamara ay umapela na magsagawa ng serye ng pagdinig kaugnay nito.