MAINIT pa ring tinatalakay sa social networking sites ang isyung napipintong paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ito’y makaraan maglabas kamakalawa ng ruling ang Korte Suprema na pumapabor sa paghahatid sa dating presidente sa nabanggit na sementeryo.
Ngunit kahapon ng umaga, marami ang nagulat nang lumabas sa Google Maps ang pangalan ng lugar bilang “Libingan ng mga Bayani at isang Magnanakaw.”
Tumagal ito ng ilang oras bago naibalik ng Google sa orihinal na pangalang Libingan ng mga Bayani.
Lumalabas na marami ang nag-request na palitan ang tawag sa sementeryo, kabilang na ang “Libingan ng mga Bayani at Isang Kawatan” gayondin ang “Military Cemetery.”
SEGURIDAD HINIGPITAN
HINIGPITAN ang seguridad sa Libingan ng Bayani sa Taguig City makaraan ang desisyon ng Korte Suprema sa pagpapalibing doon kay dating pangulong Ferdinand Marcos.
Ito ay dahil sa inaasahang lulusubin ng protesters ang nasabing lugar na kumokontra sa nasabing desisyon.
Kabi-kabilang protesta ang isinagawa ng mga kontra sa nasabing pagpapalibing ng sinasabi nilang diktator ng bansa.
Sa mga nag-rally sa Ateneo De Manila University sa Quezon City, nagsagawa ng pagpapatunog ng busina habang sa UP Diliman ay isinagawa ang pagpapatunog ng kampanilya at pagsunog sa mga karatula.