DUMULOG si Senator Leila de Lima kahapon sa Supreme Court at humiling ng proteksiyon laban kay Pangulong Rodrigo Duterte, kasabay nang inilunsad niyang “legal offensive” laban sa aniya’y pagkilos ng gobyerno na pagsasangkot sa kanya sa illegal drug trade.
Naghain si De Lima ng “petition for habeas data,” legal remedy na naglalayong maprotektahan impormasyon na may kaugnayan sa isang tao na ang buhay at kalayaan ay nanganganib.
“Ang sinampahan ko ng kaso ay si Rodrigo Roa Duterte, hindi ang Pangulo ng ating bansa. Nagkataon lang na ang isa sa mga maskarang isinusuot ni Rodrigo Roa Duterte ay ang maskara ng pagka-Pangulo ng ating bansa,” aniya.
“Si Rodrigo Roa Duterte ang aking sinampahan ng kaso dahil sa kahindik-hindik, karimarimarim at kasuklam-suklam na mga hakbang at pananalita niya laban sa akin — mga pananalita na walang kinalaman sa kanyang tungkulin bilang Pangulo, kahit na pilit niyang ginagamit at sinasamantala ang posisyong iyan para maisakatuparan ang kanyang personal na pagnanasa na parusahan ako,” pahayag ni De Lima.