KINOMPIRMA ni National Capital Region Police (NCRPO) director, Chief Supt. Oscar Albayalde, wala silang natanggap na report na may insidente ng kidnapping o pagdukot sa kalakhang Maynila lalo na sa Binondo, simula nang maupo sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Albayalde, sa ginawang initial verification ng Manila Police District (MPD) sa PNP-Anti-Kidnapping Group (AKG), wala rin naitalang insidente ng kidnapping simula nang magbago ang administrasyon.
“We will check and validate the info although as of now wala kaming natatanggap na report re: alleged kidnapping since the assumption of Pres. Rodrigo Duterte,” wika ni Albayalde.
Ngunit siniguro ni Alba-yalde, gagawin nila ang lahat para ma-validate ang i-binunyag na impormasyon ni Pangulong Duterte.
PALASYO NANINDIGAN SA KIDNAPPING DATA
PINANINDIGAN ng Malacañang ang impormasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa pagtaas ng kidnapping incidents sa bansa lalo sa Metro Manila.
Una rito, sinabi ni Pa-ngulong Duterte kamakalawa ng gabi, nag-shift na sa kidnapping ang mga dating sangkot sa ilegal na droga at sa loob lamang ng tatlong linggo, naitala ang anim na kaso ng pagdukot sa Binondo, Maynila.
Ngunit inihayag kahapon ni NCRPO director, Chief Supt. Oscar Albayalde, wala silang impormasyon o report ng kidnapping incident sa Binondo o sa buong NCRPO mula nang maupo si Pangulong Duterte.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, walang pagbabago sa inihayag ni Pangulong Duterte na may sariling source o pinanggagalingan ng impormasyon.
“Better of you, ‘yung talagang naandiyan pa ‘yung nag aano pa ‘no. It’s a monkey on the back ‘ika nga, may unggoy na nakakaladkad sa likod mo, tiisiin ninyo ‘yan. There’s a very low supply of drugs now, but nag-shift na naman sa kidnapping ang mga gago. So bagong laro naman ito, magti-three weeks sa — there were about six kidnappings sa Binondo. So be careful, give me time to—talk to God,” ani Pangulong Duterte.