PINAWI ng gobyerno ang pangambang magkakaroon ng lamat sa pagitan ng Filipinas at Malaysia kasunod ng paratang ni MNLF chairman Nur Misuari.
Magugunitang kamakalawa, sa loob mismo ng Malacañang kaharap si Pangulong Rodrigo Duterte, tahasang inakusahan ni Misuari ang Malaysia na sangkot sa kidnapping for ranson.
Inihayag ni Misuari, balang araw sasampahan niya ng kaso sa International Criminal Court (ICC) ang mga lider ng Malaysia.
Sa susunod na linggo, magsasagawa ng official visit si Pangulong Duterte sa Malaysia.
Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, walang kinalaman si Pangulong Duterte sa pahayag ni Misuari na kanyang personal na alegasyon.
Ayon kay Panelo, sariling opinyon ito ni Misuari at hindi ng gobyerno ng Filipinas.
Kinompirma ni Panelo, nasa Metro Manila pa si Misuari at hindi pa nakababalik ng Jolo, Sulu.