NAKATAAS ang heavy rainfall at flood warning sa mga lalawigan ng Camarines Norte at Sorsogon dahil sa interrtropical convergence zone (ITCZ).
Ang ITCZ ay nagsasalubong na hanging may magkakaibang direksiyon at temperatura na karaniwang pinagmumulan ng low pressure area (LPA) at bagyo.
Ayon sa PAGASA, maaaring magdulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa ang naitatalang ulan sa Bicol region.
Uulanin din ang Albay, Catanduanes, Camarines Sur, Camarines Norte, Sorsogon, Masbate, Marinduque at Northern Samar.
Samantala, papalayo na sa Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong may international name na “Meari.”
Huli itong namataan sa layong 1,780 km sa silangan ng Central Luzon.
Taglay nito ang hanging may bilis na 65 kph at may pagbugsong 80 kph.
Paglilinaw ng PAGASA, wala itong direktang epekto sa alin mang parte ng Filipinas, dahil ITCZ at hanging amihan ang naghahatid ng masamang lagay ng panahon sa ating bansa.