TINIYAK ng kompanyang Sig Sauer, ang supplier ng 27,000 units ng M4 assault rifles sa PNP, nagpapatuloy pa ang permit to export sa biniling mga bagong armas.
Ito ang iginiit ni PNP chief Director General Ronald Dela Rosa batay sa sulat na ipinadala ng Global Defense International na local counterpart ng Sig Sauer sa Filipinas.
Ayon kay Dela Rosa, ang sulat ay ipinadala nitong Nobyembre 1 at nakasaad na “ongoing” ang proseso ng procurement at walang ano mang pag-antala na nangyayari.
Sinabi ni Dela Rosa, sa susunod na taon partikular sa Abril nakatakdang i-deliver ang bagong biling mga armas para sa PNP.
Aniya, walang dapat ipanghinayang ang pamahalaan sakaling hindi matuloy ang pagbili ng mga bagong armas dahil wala pang pera o advance payment na inilabas ang pamahalaan.
Nakasaad sa kontrata na kailangan munang i-deliver ng Sig Sauer ang biniling mga armas bago bayaran ng pamahalaan. Paliwanag ni Dela Rosa, hindi lamang sa Amerika puwedeng bumili ng mga armas. Maaari rin aniyang bumili sa Germany, Belgium, Israel, China at Russia.
Maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay nagsabi na mayroon pang opsiyon sa ibang mga bansa.