Power struggle sa SBMA tumitindi
Jerry Yap
November 2, 2016
Bulabugin
NALILITO ang mga opisyal at locators sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) dahil sa nagaganap na tila power struggle sa mga appointee ng Malacañang.
Magugunitang itinalaga ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte si dating VACC chairman Martin Diño bilang SBMA Chairman.
History na po ang rason ng appointment. Si Diño ang tila naging proxy candidate ni Digong na naghain ng kandidatura sa Commission on Elections (Comelec) bilang presidential candidate ng PDP-Laban.
Kumbaga, parang naging Juan Bautista si Chairman Diño dahil siya ang naghawi ng landas para sa kandidatura ng Pangulo.
Ayon mismo kay Chairman Diño, nauunawaan niya na nang italaga siya ng Pangulo bilang chairman, siya kasama sa magiging kapangyarihan ang maging administrator at chief executive officer (CEO) ng SBMA.
‘Yan daw ang rason kung bakit ayaw niyang kilalanin ang pagtatalaga ni Executive Secretary Salvador Medialdea kay Randy Escolango bilang administrator.
Ayon kay Diño, mananatiling siya ang administrator at CEO ng SBMA hangga’t hindi sinasagot ng Malacañang ang kanyang mga katanungan sa pagtatalaga ni ES Medialdea kay Escolango.
Katunayan, dahil bibiyahe bukas, 3 Nobyembre si Chairman Diño patungong Estados Unidos para sa isang-linggong business trip, itinalaga niya si Atty. Michael Quintos, ang manager ng SBMA legal division bilang officer-in-charge.
Kaya nga nalilito ang ilang opisyal ng SBMA ganoon ang mga locator, sino ang pipirma sa mga dokumento na kailangan ng lagda ng chairman?!
Ayon kay Rose Baldeo, pangulo ng Subic Bay Freeport Chamber of Commerce, nakahanda silang makipagtulungan kay Chairman Diño at kay administrator Randy Escolango.
Kailangan din umanong resolbahin ito sa lalong madaling panahon dahil apektado na ang mga locator.
Klaro naman siguro ang panawagang ito.
Palagay natin ‘e kailangan nang linawin ng Malacañang kung ano talaga ang kapangyarihang taglay ng isang SBMA chairman nang sa gayon ay hindi maapektohan ang komersiyo sa nasabing lugar.
Sana pagbalik ni Chairman Diño mula sa Estados Unidos, klaro na ang desisyon at posisyon ng Palasyo.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap