MAKARAAN alisin ang lahat ng checkpoints sa Metro Manila, ang mga elemento ng National Capital Region Police Office ay paiigtingin ang kanilang patrol operations upang mapigilan ang posibleng mga krimen.
Sinabi ni NCRPO director, Senior Supt. Oscar Albayalde, ang bawat checkpoint ay minamandohan ng 18 hanggang 26 personnel, at ngayon ay idineploy sa pagpapatrolya upang patindihin ang police visibility.
Dagdag ni Albayalde, ang mga pulis ay magla-latag pa rin nang pansamantalang road security blockades upang mahuli ang hinihinalang mga kriminal.
“We can conduct transient checkpoint operation just in case there is a crime incident in an area,” aniya.
‘DI LAHAT NG CHECKPOINTS AALISIN — DEFENSE SEC
NILINAW ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, hindi lahat ng checkpoints sa buong bansa ay tatanggalin.
Ito ay makaraan iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na alisin ang itinalagang checkpoints sa buong bansa.
Ayon kay Lorenzana, ime-maintain pa rin ang necessary checkpoints para mapanatili ang peace and order lalo sa mga lugar na magulo at may mga banta ng karahasan.
Pahayag ng kalihim, ang tanging ayaw lamang ng pangulo ay excessive checkpoints na nakaaabala sa mga bumibiyahe lalo ang mga negosyante na nagdadala ng kanilang mga produkto.
“Dili man tanan. I-maintain lang ang necessary checkpoints to maintain peace and order. No excessive checkpoints that inconvinience to the travelling public,” mensahe ni Sec. Lorenzana.
Samantala, ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson, B/Gen. Restituto Padilla, ang pagpapatupad ng checkpoint ay isang law enforcement na trabaho ng mga pulis at suportado ito ng militar.
Ayon kay Padilla, para sa kanila, nakadepende sa situwasyon kung kailangang magtalaga ng checkpoints sa mga lugar na magulo.
Aniya, ang pagkakaroon ng checkpoint sa mga lugar na “unstable” ang peace and order ay isang preventive measure.
Ngunit sa ngayon na pinatatanggal ito ng pangulo, nakasalalay ang pagtatalaga ng checkpoint sa peace and order councils sa mga probinsiya at rehiyon kung gusto nila itong mapanatili.
Pagtitiyak ni Padilla, nakahandang sumuporta ang AFP kung kinakailangan ang kanilang tulong.