PATAY ang isang 75-anyos lola habang nasugatan ang dalawang sanggol na kanyang apo makaraan tumalon mula sa ikalawang palapag nang nasusunog nilang bahay sa Quezon City kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni Senior Supt. Jesus Fernandez, Quezon City fire marshal, kinilala ang namatay na si Loreta Placer, habang sugatan ang dalawang sanggol niyang mga apo na sina Aania Arellano at Aaron Arellano.
Sa inisyal na pagsisiyasat ni SFO4 Jose Felipe Aresa, ng Agham BFP, nangyari ang insidente sa 48 Ilocos Norte St., Brgy. Ramon Magsaysay sakop ng Bago Bantay, Quezon City.
Nagsimula ang sunog sa dalawang palapag ng bahay ng mga Placer, partikular sa kusina sa ground floor dakong 4:57 am.
Nagluluto ang isang Levy Loyola ng mga panindang ulam sa kusina nang sumabog ang kalang ginagamit hanggang magliyab.
Dahil gawa sa kahoy ang bahay, madaling kumalat ang apoy hanggang sa ikalawang palapag na kinaroroonan ng lola at dalawa niyang apo.
Upang makaligtas, ipinasya ng matanda na buhatin ang dalawang apo at tumalon mula sa bintana.
Nagkaroon nang matinding pinsala sa mukha at katawan ang matanda na kanyang ikinamatay habang sugatan ang kanyang kambal na mga apo.
ni ALMAR DANGUILAN