NAKATAAS na sa full alert ang Philippine National Police (PNP) para sa paggunita sa araw ng mga patay at kaluluwa.
Ayon kay PNP chief, Director General Ronald dela Rosa, ide-deploy niya ang buong puwersa ng PNP para siguraduhin ang seguridad ng publiko habang inaalala ang kanilang namayapang mga mahal sa buhay.
Paalala ni Dela Rosa sa mga pulis, bawal mag-leave o mag bakasyon sa panahon ng undas.
Babantayan aniya nila hindi lang ang mga sementeryo kundi pati ang mga kabahayan na maiiwan ng mga tutungo sa mga sementeryo.
Partikular na direktiba ng PNP chief na paigtingin ang presensiya ng mga pulis sa pamamgitan ng pagpapatrolya, pag-deploy ng road safety marshalls na aalalay sa mga motorista at pagtatayo ng mga assitance hub sa mga sementeryo at iba pang matataong lugar.
Nais din ni Dela Rosa ang mahigpit na pakikipag-uganayan sa iba pang ahensiya ng gobyerno, volunteer groups at mga force multiplier para sa mas maigting na seguridad.
Payo ng heneral sa publiko na huwag mag-ingay at lumikha ng gulo para hindi makaabala sa mga nagninilay-nilay sa araw ng mga patay.