CAUAYAN CITY, Isabela – Naglaan ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng P30 milyon pondo mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para bigyan ng financial assistance ang pamilya ng overseas Filipino workers (OFWs) na sinalanta ng bagyong Lawin sa Isabela at Cagayan.
Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III sa kanyang pagdalaw sa mga kababayang sinalanta ng bagyo sa Ilagan City, mabibigyan ng P5,000 financial assistance ang bawat pamilya ng OFWs na biktima ng kalamidad.
Ayon kay Bello, sa Isabela at Cagayan ay mayroon kabuuang 68,442 pamilya ng OFWs na bibigyan ng tulong pananalapi.
May ginagawa na silang sistema para ang asawa o anak mismo ng documented OFW ang kukuha ng financial assistance.
Maaari silang pumunta sa provincial at regional offices ng OWWA.
Samantala, magpapatupad din ang DoLE ng emergency employment program sa loob ng 10 araw na may minimum na sahod na P300 kada araw sa mga nawalan ng trabaho sa pagtama ng kalamidad.
Ayon sa kalihim, sinabihan na niya ang mga mayor na magbigay ng listahan ng mga dapat mabiyayaan sa emergency employment program.
Samantala, tuloy ang dalawang araw na job fair ng DoLE sa Alibagu, Ilagan City sa Oktubre 28 at 29, 2016.
Ito ay kaugnay ng pangangailangan ng nurses, caregiver at skilled workers sa Germany, Japan, Singapore at iba pang bansa.
Sinabi ni Bello, government to government ang transaksiyon kaya walang placement fee na babayaran ang mga aplikante.