LEGAZPI CITY- Apektado na ang mga residenteng malapit sa Mt. Bulusan sa Sorsogon dahil sa ilang araw nang pag-aalburuto ng bulkan.
Kamakalawa, muling naitala ang panibagong phreatic eruption na umabot sa 5mm ang kapal ng abong ibinuga nito sa bahagi ng Brgy. Inlagadian sa bayan ng Casiguran.
Ayon kay Municipal DRRM Officer Louie Mendoza, 67 katao ang nakaranas ng pagkahilo at pagsusuka bunsod nang mabahong amoy ng asupre galing sa malapit na vent.
Agad namigay ng face mask at face towel ang opisina sa mga apektadong residente habang wala pang naiulat na evacuees sa naturang bayan.
Samantala, naunang inireklamo ng mga taga-Brgy. Mapaso sa bayan ng Irosin, ang masangsang na amoy mula sa vent na malapit sa kanilang lugar.
Nabatid na mayroon nang mahigit 20 vents sa bulkan mula sa dating apat na malalaking vents lang.