CAUAYAN CITY, Isabela – Patuloy na hinahanap ng rescue team ang kapitan na siyang may-ari ng pampasaherong bangkang tumaob noong kasagsagan ng bagyong Lawin sa Divilacan, Isabela.
Sinabi ni Sandy Celeste, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer (MDRRMMO) ng Divilacan, Isabela, sa pagtaob ng bangka ay tinangay ng alon sa dagat ang may-ari nito na si Benny Pillos at ang tripulanteng si Alden Barcarse, residente ng Linao, Aparri, Cagayan.
Natagpuan noong hapon ng Biyernes ang bangkay ni Barcarse ngunit patuloy na hinahanap ang katawan ni Pillos, residente ng Dimapula, Divilacan.
Ayon kay Mr. Celeste, nagbiyahe ang bangka patungo sa Dimasalansan Cove para roon itago ang bangka mula sa malalakas na alon tulad nang nakagawian nila kapag may malakas na bagyo sa coastal town.
Gayonman, bumigay ang tali nito kaya tumaob bunsod ng mataas na alon sa dagat.