ARESTADO ang isang 63-anyos hinihinalang drug pusher at ang kanyang kasama makaraan makompiskahan ng P.3 milyon halaga ng shabu sa buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan City kamakalawa.
Ang mga suspek na iniharap sa media ni Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan ay kinilalang sina Gasanara Baranbangan, ng Phase 12 Tala, Brgy. 183, at Raymart Salonga, 22, ng Phase 1, Package 2, Block 33, Lot 4, Brgy. 176.
Ayon kay Caloocan City Police chief, Sr. Supt. Johnson Almazan, unang naaresto si Salonga sa buy-bust operation ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drug Special Operation Task Group (SAID-SOTG) sa Phase 9, Bagong Silang.
Nakuha mula kay Salonga ang 5 gramo ng hinihinalang shabu at P1,000 buy-bust money, at itinuro si Baranbangan na pinagkukunan niya nang ibinibentang droga.
Bunsod nito, agad nagkasa ng buy-bust operation ang mga pulis at nahuli ang matanda dakong 3:30 pm sa labas ng Shop at Ride Terminal Market sa Novaliches, Quezon City. Nakompiska mula kay Baranbangan ang 25 gramo ng shabu.
Sa kabuuan, tinatayang P330,000 ang halaga ng shabu na nakompiska mula sa dalawang suspek.
(ROMMEL SALES)