KRITIKAL ang kalagayan sa pagamutan ng isang negosyante makaraan saksakin ng dating mister ng kanyang kinakasama sa Malabon City kamakalawa ng hapon.
Ginagamot sa Valenzuela City Medical Center (VMC) ang biktimang si Severo Luzon, 34, scrap buyer ng 25 Doña Juana St., Brgy. Potrero ng lungsod.
Habang kinilala ni Malabon Police chief, Insp. Lucio Simangan Jr. ang suspek na si Eddie Legal, 50, ng 40 K.A. Pablo, Brgy. Kaunlaran, Valenzuela City.
Sa imbestigasyon nina PO2 Roldan Angeles at PO2 Aaron Blanco, dakong 5:00 pm, kinompronta si Luzon ni Legal kaugnay kay Catherine Legal na dating misis ng suspek at kasalukuyang kinakasama ng biktima.
Humantong ito sa mainitang pagtatalo hanggang pagsasaksakin ng suspek ang biktima at pagkaraan ay tumakas ngunit naaresto ng mga kapitbahay.
( ROMMEL SALES )