TAMA ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya dapat sitahin ni US President Barack Obama sa kanyang pamamalakad sa ating bayan lalo na ‘yung may kaugnayan sa kanyang pakikidigma laban sa bawal na gamot pero hindi naman tama na murahin niya sa harap ng daigdig.
Kung tutuusin ay nakatutuwa na kahit pahapyaw ay naungkat ni Pangulong Duterte ang ginawa sa atin ng mga Amerikano sapagkat ang mga detalyeng ito ay pilit na itinatago sa atin. Hindi ako magtataka kung bakit marami pa rin ang nagulat at hindi makapaniwala sa mga sinabi ng pangulo na pagmamalabis na ginawa sa atin at kung paano tayo sinupil ng mga Amerikanong mananakop noong panahon ng digmaang Filipino-Amerikano.
Pansinin na sa kasaysayan na itinuturo sa ating mga paaralan ay pawang kasamaan lamang ng mga Kastila at Hapon ang nabibigyan nang malalim na pagtalakay. Lumalabas na parang mga anghel ang mga Amerikano na sinasabing sumaklolo sa atin upang tayo ay iligtas sa kamangmangan at kawalan ng tinatawag na hygiene gayong hindi lang naman ganoon ang talagang nangyari.
Ang hindi maganda sa pahayag ni Pangulong Duterte ay nabahiran ito nang pambabastos dahil minura niya si Obama. Ang astang ganito ng pangulo ay mali at maaaring maghatid ng hindi inaasahan o masamang reaksiyon sa ating mga kababayan na nasa ibang bansa, lalo na ‘yung mga TNT na nasa Amerika.
* * *
Para raw rockstar si Duterte sa pulong ng Association of Southeast Asian Nations sa Laos. Halos lahat daw ng mga pinuno ng mga bansang nakapaloob sa ASEAN ay nakipag-selfie sa kanya na isang indikasyon kung gaano siya ka popular sa kanila.
Sino nga naman ba ang ayaw makatabi sa retrato si Duterte na nag-lecture at nagawang murahin ang pinakamakapangyarihang kanluraning lider ng mundo? Aber?
* * *
Kung ano ang bangis na ipinakikita ng pamahalaan laban sa mga pinaghihinalaang tulak o adik sa bawal na gamot ay dobleng bangis ang dapat maramdaman ng teroristang grupo na Abu Sayyaf at mga umaalyado dito.
Hindi na dapat bigyan ng puwang ang grupong kriminal na maghasik pa ng lagim sa tahimik na mamamayan.
* * *
Walang pasok sa Lunes. Para sa karagdagang detalye ay pasyalan ninyo ang aking bagong e-news website, www.beyonddeadlines.com
Ang website na ito ay maglalaman ng malalalim na talakayan kaugnay sa mga pangyayari sa ating bayan at iba pang mahalagang impormasyon para sa pang-araw-araw nating buhay. Sana ay makaugalian din ninyo na bisitahin ang website na ito. Pakikalat ang balita tungkol sa www.beyonddeadlines.com
Salamat po.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maaari kayong pumunta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala nang mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresortpara sa karagdagang impormasyon o reserbasyon.
USAPING BAYAN – Nelson Flores