BINULABOG ng naiwang bag ang Gate 3 departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 3 na naging dahilan para maabala ang mga pasaherong nakapila roon kahapon.
Sa pahayag ng Manila International Airport Authority (MIAA), natagpuan ni security guard Ralph Basubas ang bag malapit sa Gate 3 na agad nitong ipinaalerto bilang precautionary measure.
Ilang pasahero na hindi naintindihan ang security procedure ang nakitaan ng pagkainis lalo nang pinagbawalan silang dumaan sa naturang gate at sinabihang tumungo sa ibang daanan habang nagsasagawa ng safety procedures ang mga pulis sa naturang area.
Walang nakita ang police personnel at canine dogs matapos maeksamin ang bag na ang mga laman ay 10 pirasong one peso coins, limang piraso na 5 peso coins, iba’t ibang damit, toiletries, ball pen at charger.
Ayon kay airport media affairs personnel Jenson Nellas, isang Analyn Ulapat ang nagpakilalang siya ang may-ari ng bag na kasalukuyang nasa kustodiya ng lost and found section sa terminal 3.
Nitong Sabado, inilagay sa maximum security measure o full alert status ang pangunahing paliparan ng bansa kasunod ng pambobomba sa Davao city nitong nakaraang Biyernes.
Kasama ang canine units, nagsagawa ang magkasanib na puwersa ng PNP-Aviation Security Group, Airport Police Department ng random inspection sa lahat ng sasakyang pumapasok sa NAIA terminal.
Lahat ng mga bag na hindi sinasadyang maiwan sa tabi ng terminal ay agad na isinasailalim sa rigid checks.
( GMG )